QUO VADIS JUAN DE LA CRUZ

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

ANG natapos kahapon na walong araw na pagsusumite ng “certificate of candidacy” (COC) ng mga kandidatong lalahok sa eleksyon sa susunod na taon ay naging isang parada ng mga payaso, topakin, peke, korap, manderekwat at IILANG seryosong maging lingkod bayan.

Kanya-kanyang gimik. May ginawang piyesta ang okasyon. May mga binayarang tsuwariwap na may libreng t-shirt para palabasing sumusuporta sa kandidato.

At dahil sikat daw sila sa social media partikular sa Facebook at Tiktok, may mga nabaliw na rin na kumandidato. At Senado pa ang tinatarget. Kaya hindi na monopolisado ngayon ng mga artista ang entablado.

Muling nadinig ang mga gasgas na linyang ito: “Matapat kong paglilingkuran ang aking mga kababayan. Iaahon ko sila sa kahirapan. Isusulong ko ang pagpapalakas ng ekonomiya. Pauunlarin natin ang bansa. Blah, blah, blah!”

Quo Vadis Juan de la Cruz.

##########

At may mga bagong boladas din: “Wala nang bibili ng bigas! Wala nang bibili ng tubig! Wala nang magbabayad ng kuryente!”

“Ipapamahagi ko sa mga mamamayan ang P800 quadrillion (ilang zero ba ang sangkatutak na salaping ito?) ng mga Marcos!”

May nagbanta pa sa Comelec na kapag muli siyang idedeklarang “nuisance candidate” ay isusumpa niya ang mga ito. Hindi pa dito nagtapos ang nagpakilalang pinili raw siya ng Diyos (nakahahawa talaga ang sakit ni Pastor Q) at sa malintik na talumpati ay nanakot pa: “Kapag namatay ako, dinedeklara ko na babalik ang kaluluwa ko, parurusahan kayo!”

May isang nagsabing “half-human, half-zombie” raw siya at kakandidato rin bilang senador!

Lahat! Basta’t marunong magbasa at sumulat, Pinoy at nasa wastong edad… puwedeng lumahok sa sirkus.

Teka, hindi kaya nagbibilang ang mga guwardya sa Mandaluyong?

##########

Paalala sa mga botante – ‘wag kayong magpapaniwala sa mga surveys lalo na kapag eleksyon. Bagama’t may ilan naman na obhetibo ang pananaliksik. Gayunpaman, hindi maitatago na ang maraming resulta ng survey ay binayaran para sa pansariling interes at iligaw ang taong-bayan.

Ang surveys ay isang porma ng “mind conditioning” sa mga botante dahil ang marami ay utak sugarol pa rin sa pagboto. Ang iboboto ay ‘yung sa tingin nila ay llamado upang hindi raw masayang ang kanilang boto kahit na ang isusulat sa balota ay kandidatong manderekwat at bobo.

Hanggang sa huling araw ng kampanya ay maraming lalabas na surveys. ‘Wag tayong magpaloko.

Katulad din ito ng raket ng mga organisasyon na nagbibigay ng mga awards sa mga opisyales ng gobyerno, partikular sa lokal na pamahalaan, lalo na kapag panahon ng eleksyon. Idinadaos pa ang awarding ceremony sa mga bonggang lugar. Ang hindi alam ng publiko, binayaran ng mga tumanggap ng parangal ang kanilang tropeo. May nakatokang bilang ng upuan at lamesang kainan sa mga pararangalan at alipores nila. At siyempre, babayaran din ito. Walang libre maliban sa pekeng palakpak.

‘Yun namang mga nauto, todo yabang namang ipo-post ang tropeo at komendasyon sa kanilang Facebook para ipagmalaki sa buong mundo kesehodang binili lang niya ito.

##########

Sa isasagawang eleksyon, dito makikita ang impluwensya ng social media. Madalas akong nakababasa ngayon sa Facebook ng mga positibong mensahe na humihikayat sa mga botante na maging matalino sa pagpili ng kandidato. Binabatikos ang kandidatura ng mga tradisyunal na politiko o “trapo”, artista at magkakapamilya sa lokal at nasyunal na posisyon.

Mga mensaheng nagbibigay babala na kung pagkatapos ng halalan at muling mangingibabaw ang mga trapo at dadagdan pa ng mga bago na ang tanging hangad ay impluwensya at kick-back…wala nang maaasahang matinong pagbabago sa gobyerno gayundin sa buhay ng mga Pilipino.

Sana, sana… marami sa atin ang tumaas ang antas ng kamalayang panlipunan at maging instrumento ng magandang pagbabago sa bansa sa gagawing makabuluhang pakikisangkot sa eleksyon.

“Lord, gabayan po ninyo ang sambayanang Pilipino. Amen”.

83

Related posts

Leave a Comment