RAKET NG VISA READER SA AIRPORT DAPAT NANG KALUSIN

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

HINDI na talaga maubos-ubos ang mga gawaing panlalamang sa mga OFW sa mga airport hindi lamang sa NAIA kundi pati na rin sa Clark International Airport.

Kung dati ang raket ng ­ilang mga taga-airport ay ang ­laglag-bala, ngayon naman ay may naisip na namang bagong raket na ang mga bida ay ang mga hinayupak na visa reader.

Ang sistema kasi sa airport ay bago makapag-check-in ang isang OFW patungo sa ­Middle East, ay kinakailangan na ­dumaan muna ito sa isang visa reader para i-translate ang visa na nakasulat sa Arabic.

Dito nakakita ng bagong ­pagkakaperahan ang mga ­damuho dahil ang ginagawa ng mga ito ay kahit isang ­letra lamang ang pagkakamali sa ­translation ay agad nitong sasabihan ang kaawa-awang pasahero na may mali sa visa kung kaya hindi siya ­makasasakay ng eroplano para makalipad ­patungo sa Middle East.

Siyempre ay matataranta ang kaawa-awang OFW kung kaya sobra-sobra itong ­makikiusap sa nasabing visa reader. Sa bandang huli ay magsasabi ang nasabing visa reader na magpadala na lamang ito ng pera sa GCash para payagan siyang makapag-check-in at makaalis ng bansa.

Mukhang inaral din ng nasabing mga visa reader na baka sila ay maipunan ng ebidensya, kung kaya hindi magkakapareho ang ibinibigay nilang GCash number na nakapangalan sa iba’t ibang tao.

Ang AKO OFW ay ­nananawagan sa pamunuan ng Manila International Airport Authority at pati na rin sa Clark ­International Airport na bantayan na nila ang gawaing ito ng ilang mga visa reader sa kanilang bagong raket para pagkaperahan ang ating mga OFW.

Tila hindi na maubusan ng baluktot na raket ang mga hinayupak na ito kung kaya kinakailangan na silang putulan ng kanilang sungay.

Ang isyung ito ay ating ­pag-uusapan mamaya sa ­ating programang BANTAY OFW sa radyo DWDD 1134KHz ­mamayang alas-6 ng gabi.

Related posts

Leave a Comment