TEXT SCAM, PATULOY NA NAMAMAYAGPAG DAHIL SA PAGIGING INCOMPETENT NG NTC

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

PATULOY pa rin ang panloloko ng dorobong text scammers! Umpisa palang ng taong 2000 ay meron na itong text scam at hindi na rin biro ang bilang ng mga nabiktima nito, karamihan ay mga may edad na o senior citizens.

Ngayong 2022, mas malikhain na ang mga kawatan. Sa mga text na ipinadadala ng mga ito ay tila personalized na ang kanilang mensahe dahil nakalagay na ang pangalan ng sim card user. At kung ikaw ay hindi mo alam na ito ay scam ay maniniwala ka kaagad dahil nakasulat ang iyong pangalan.

Karamihan sa mga text message ay sinasabing nanalo ang sim card user ng malaking halaga sa pa-contest ng isang variety show at hihingian ng pera o load ang biktima bago umano makuha ang premyo.

Sa ngayon, nagpapadala ng mga babala sa pamamagitan ng text ang National Telecommunications Commission (NTC) upang paalalahanan ang publiko na huwag umanong pabiktima sa mga text scam.

Napakadaling magbigay ng babala, sabihin na i-block na lang at burahin ang mga numero ng nag-text. Pero ang tanong, hanggang kailan natin iiwasan ang mga ganitong scammer na namamayagpag nang ilang taon na. Napakalaking abala ang dulot nito sa sim card ­users para lang i-block at burahin ang mga text scam. Alam kasi ng mga scammer na madali lang bumili ng bagong sim card at makapanloko nang hindi sila nate-trace ng mga awtoridad.

Nagpahayag na ng pagkadismaya si Sen. Grace Poe sa kabagalan ng NTC na solusyunan ang problema sa text scam. Sayang lang ang pondong inilalagay sa NTC dahil hindi naman nila nagagawa ang mga trabaho nila.

BATAAN PROSECUTORS’
OFFICE, WALANG TAO!

ILANG araw na po akong hindi nakauupo sa aking programa dahil personal ko pong tinugaygayan ang mga reklamo na inilapit sa amin.

Nagsimula ito noong Biyernes, dumayo pa kami sa lalawigan ng Bataan para samahan ang dalawang dalagitang complainants na magpunta sa pulis upang reklamo ang kanilang tiyuhin na diumano ay gumahasa sa kanila.

Noong Lunes naman, nanggaling kami sa Bureau of Customs na upang personal na mag-follow-up sa mga reklamo ukol sa Allwin at CMG containers at ang update dito ay inilabas namin sa aming page na Rapido Ni Patrick Tulfo at YouTube channel na PatrickTulfoofficial.

Itong Martes naman, nagpunta ang inyong lingkod sa isang meeting na may kinalaman sa possible ad placements sa ating programa at nito lang Miyerkoles muling bumalik sa Bataan para sa pormal na pagsasampa ng kaso sa Bataan Provincial Prosecutors Office laban sa suspek.

Ang proseso na dapat ay sandali lamang ay inabot ng ilang oras dahil walang tao sa prosecutors office dahil dumalo raw ito sa isang hearing. Ang ating tanong ay wala bang “assistant provincial prosecutor” sa Bataan para tumanggap ng mga kaso? Kawawa naman ang mga magsasampa ng reklamo na nag-antay nang matagal para lang manumpa sa tapat ng prosecutor.

190

Related posts

Leave a Comment