Rep. Paduano, pinaalalahanan si VP Sara sa amnesty program

BALYADOR ni RONALD BULA

IPINAALALA ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano kay Vice President Sara Duterte na ang amnesty proclamation na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ay pagpapatuloy lamang ng programa na ipinatupad ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Binanggit ito ni Paduano sa pagdinig ng House Committee on Justice at Committee on National Defense and Security bilang tugon sa mga pahayag ni VP Sara laban sa amnesty proclamation na inilabas ni Pangulong Marcos.

Sa naturang pagdinig ay pinagtibay ng dalawang komite ang apat na proklamasyon na inilabas ni Pangulong Marcos upang patawarin ang pagkakasala sa batas ng mga rebelde bunsod ng kanilang paniniwalang politikal.

Diin ni Paduano, mahalaga ang nabanggit na mga proklamasyon para sa kapayapaan ng bansa kaakibat ang paalala na naglabas din ng kaparehong proklamasyon si dating Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Paduano, ang naturang proklamasyon ay hindi lamang programa ng administrasyon kundi pangako ng nagdaang mga administrasyon mula sa panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino.

Seryosong ikokonsidera naman ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang opinyon ni Vice President Sara Duterte na “deal with the devil” ang Joint Oslo Communique.

Ito ang inihayag ni NTF-ELCAC Secretariat Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., kung saan mahalaga aniya ang opinyon ni VP Sara dahil bukod sa pagiging pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay siya rin ang tumatayong Co-Vice Chairperson ng NTF-ELCAC.

Ani Torres, maaaring may iba’t ibang opinyon ang mga opisyal ng pamahalaan patungkol sa pakikitungo sa mga kalaban ng gobyerno, pero nagkakaisa sila sa layuning makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Wala aniya siyang nakikitang problema dito, dahil mayroon namang mekanismo para pagkaisahin ang mga magkakaibang pananaw na ito.

Paliwanag pa ni Torres, ang opinyon ng bise presidente ay ikokonsidera nila sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) sa amnestiya at sa pagsulong ng peace process.

Samantala, inaprubahan na ng House Committee on Justice at Committee on National Defense and Security ang House Concurrent Resolutions number 19, 20, 21 at 22 na sumasang-ayon sa amnesty proclamations ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Nakapaloob sa apat na resolusyon ang amnesty na ipinakaloob ni Pang. Marcos Jr.

Kwalipikadong miyembro ang iba’t ibang grupo kabilang ang:

Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas – Revolutionary Proletarian Army – Alex Boncayao Brigade o RPMP-RPA-ABB

@@@

Para sa suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

201

Related posts

Leave a Comment