Nakatutuwang balita na ang bagong mayor ng Pasig City na si Vico Sotto ay nagpakita ng kanyang pagsuporta sa mga naka-strike na manggagawa ng Zagu. Ang mga manggagawang nabanggit ay nakapiket dahil sa kontraktwalisasyon na isinasagawa ng kompanyang ito.
Saludo ang mga kinatawan ng Bayan Muna, kabilang sina Rep. Ferdie Gaite at Eufemia Cullamant sa pagkilala ni Mayor Vico sa karapatan ng manggagawa. Bihira ang mga lokal na opisyal na magpakita ng pagkilala at pagsuporta sa mga nakikibakang manggagawa para sa kanilang karapatan. Saludo kami sa iyo!
Dapat tularan ng iba pang mga opisyal ng gobyerno ang ginawa na ito ni Mayor Vico. Lalo pa ang mga nasa ahensya ng gobyerno na dapat nangangalaga sa manggagawa, tulad ng Department of Labor and Employment o DOLE. Dapat nilang panindigan ang kanilang pangako na tatapusin nila ang endo, at tunay na pumanig sa mga manggagawang Filipino. May matututunan din ang Philippine National Police o PNP kay Mayor Vico. Na imbes iutos na buwagin ang piket, ay kilalanin ang karapatan ng manggagawa na mag-unyon at gumawa ng mga aksyon upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paggawa.
Hamon sa ating mga lokal na opisyal na tularan ang makamanggagawa at makamamamayan na mga tindig at gawain ni Mayor Vico. Ipakita nila ang tunay na malasakit sa kanilang nasasakupan sa pagsuporta sa mga laban at dinggin ang mga hinaing nila.
Gayundin, ipinapakita ng isyu na ito na buhay na buhay pa ang kontraktwalisasyon sa ating bansa, bagama’t maraming sinabi ang gobyerno sa pagpapabasura sa di-makatarungang iskemang ito. Kaya naman dapat ay tuluy-tuloy ang ating panawagan na ibasura ang kontraktwalisasyon, at sa mga manggagawa na igiit ang kanilang karapatan sa paggawa, kasama na ang regularisasyon at mga benepisyo. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
116