ILANG beses na rin nating binabatikos ang kawalan ng aksyon ng Rizal Provincial Police Office at itong Provincial government ng Rizal sa napakaraming reklamo tungkol sa lumalalang peace and order situation sa buong lalawigan. Partikular dito, sa bandang Antipolo at sa mga bayan na binabagtas ng Marilaque Highway.
Halos linggu-linggo ay may nababalitaan tayong mga kababayan na nabibiktima ng mga riding-in-tandem na mga holdaper at snatcher sa may Marilaque at sa bandang Sumulong at Ortigas Extension (Tikling) patungong Antipolo. Personal sa atin ang isyung ito sapagkat marami sa mga biktima ay mga siklista na gaya ko.
Playground ‘ika nga ang turing ko sa Marilaque at sa Sumulong dahil gaya ng napakaraming siklista ay dito tayo madalas mag-ensayo. Maganda kasi ang kalsada at may challenge kumbaga ang mga ahon. Napakagandang ensayuhan ng lugar na ito dahil sa elevation profile nito.
Ngunit sa halip na lalong pagbutihin ng Rizal PNP at ng Rizal Provincial government ang pagbabantay sa lalawigan dahil napakalaking kahihiyan sa kanila ang mga nangyayaring krimen sa kanilang nasasakupan ay tila dedma lang mga ito.
Kamakailan ay nagpasiklab ang Rizal PNP at nagsagawa ng mga checkpoint sa Marilaque upang manghuli ng tinatawag na kamote riders na nagiging sanhi ng mga napakaraming disgrasya sa lugar. Dalawang beses na nilang isinagawa ang ganitong gimik ngunit sa awa ng Diyos ay ni anino ng pulis ay wala ka namang makikita.
Ang ending ay maliban sa mga kamoteng motorista ay nadagdagan pa ng mga riding-in-tandem ang nagkakalat ngayon sa Marilaque.
Ang ‘di ko maintindihan ay kung bakit hindi magawang maglagay ng police detachment man lang sa kahabaan ng nasabing lugar at ito ang mangangalaga sa seguridad sa lugar. Mas mainam sana kung sa bawat limang kilometro ay may police outpost kahit mula 5am hanggang 5pm man lang. Mahirap ba ‘yun mga, sir?
Sana naman ay mahimasmasan na itong mga opisyal ng Rizal PNP at Rizal Provincial government. Huwag naman sana nilang balewalain ang napakaraming reklamo tungkol sa seguridad sa kanilang mga nasasakupan.
Ayaw naman nating maniwala na pawang mga inutil at pawang nagpapalaki lang ng tiyan ang mga opisyal na ito. But at the rate things are going, mukhang malapit na akong magbago ng paniniwala dahil sa kanilang kawalan ng aksyon. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
366