Hindi natin maintindihan kung saan kumukuha ng lakas at inspirasyon si Sen. Bong Go at pati iyung pagpapaliban sa Barangay at SK election na nakatakda sa 2020 ay kanyang pinagkakaabalahan? Napakaraming mga batas na dapat unahin at atupagin ng senador para ipanukala Senado nang sa gayon ay mapakinabangan ng sambayanang Filipino.
Mas mahalaga pa ba sa senador ang extension of office ng mga opisyal ng barangay kaysa sa mga Filipino na nagugutom na hindi mabigyan ng ayuda ng gobyerno? Ilang mga kababayan natin ang nagugutom lalo na iyung mga nasa depressed area? Magpanukala ka ng mga batas na ang makikinabang ay ang mga mahihirap.
Ang mga barangay opisyal, kung talagang nagtatrabaho sila ay makakagawa sila ng mga proyekto na hindi na kailangan na i-extend ang kanilang panunungkulan hanggang taong 2022 kung saan noong nakaraang October 23, 2017 ay naipagpaliban na ang Barangay at SK election sa pamamagitan ng Republic Act. 10952.
Sir, iyan ba ang kabayaran mo sa mga barangay opisyal na pinangakuan mo noon na kapag ikaw ay nanalong senador ay magpapanukala ka ng postponement ng Barangay at SK election?
Bakit hindi mo unahin na magpanukala ng batas na mag-aamyenda sa Juvenile Welfare Act. ni Kiko Pangilinan na walang kuwentang batas na pumapabor lamang sa mga menor de edad kaya umaabuso dahil alam nilang hindi sila makukulong sanhi ng buwisit na batas.
Iyung magpanukala ka ng batas para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para mabigyan ng protection at ayuda ay siguradong marami ang matutuwa sayo.
Sobrang aping-api na ang ating mga kababayan, lalo na ang mga lihitimong Filipinong negosyante na kakumpitensiya na nila ang mga Intsik na nagtatatrabaho at nagnenegosyo sa bansa na gumagamit lamang ng dummy para makapagnegosyo.
May ibubulgar akong anomalya ng mga Chinese na nakabase ngayon sa lalawigan ng Bulacan kung saan ang mga ito ay front lamang ang pagnenegosyo ng hardware, pero kasama sa kanilang racket ang money laundering na galing sa ilegal na droga ang kanilang pera at pagre-recruit ng mga mayayamang Chinese at pinapatira sa kanilang malaking building. Abangan. (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
131