SINO ANG ITLOG NA BUGOK SA BI-NAIA?

BISTADOR Ni RUDY SIM

SIMULA pa lamang nang pumutok ang pandemya ay isa sa mga maituturing na lihim na bayani ang immigration officers na nakatalaga sa mga paliparan upang bantayan ang pagpasok at paglabas ng bansa ng mga dayuhang banta sa seguridad ng ating bansa. Marami rito ang frontliners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ngunit hindi ito naging hadlang upang buong tapang na harapin ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Mayroon tayong natanggap na impormasyon mula sa mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na patuloy na naniniwala at nagtitiwala sa atin, upang isiwalat ang ilang katiwaliang nangyayari pa rin na ginagawa ng ilang tiwaling mga tauhan dito na hanggang ngayon ay walang takot sa pamemera sa mga dayuhan.

Noong nakaraang November 10, sakay ng eroplanong Cathay Pacific- CX 901 na lumapag sa NAIA terminal 3 kung saan ay hinarang umano ang pagpasok ng isang Chinese national na si “Chen Bing” (DOB: June 29, 1989).

Ang pasahero ay agad na dinala sa tanggapan ng Travel Control Enforcement Unit upang imbestigahan ang dayuhan sa tunay na dahilan ng kanyang pagpasok sa bansa dahil sa kahina-hinalang dokumento na dala nito sa pagbiyahe.

Ngunit matapos na malingat umano ang mga supervisor at tauhan ng TCEU ay biglang naglaho ang dayuhan at himalang pinalabas sa airport kahit walang tatak ng arrival ang kanyang passport?

Hmm… magkano kaya?? Easy money, ano po?! Ayon sa impormasyon ay isang grupo umano ng mga IO na pang-umaga ang nagpatakas sa pamumuno ng isang alias “DC”?

Dahil dito ay agad na ginawa ng pobreng immigration officers at supervisor ang kanilang tungkulin at ginawan ng incident report ang pangyayari upang makarating sa tanggapan ni BI Commissioner Norman Tansingco. Ngunit imbes na matuwa umano ang isang opisyal sa BI-NAIA na si alias “EL” ay tinawagan at pinagalitan ang mga ito na huwag nang palakihin ang issue.

Upang linisin ang gusot ay iniutos umano ni alias EL kay DC na pabalikin ang pasaherong Chinese na nakarating pa sa Cebu para tatakan ng arrival stamp at ang passport nito at i-encode sa system ng isang panggabi na IO na si alias “ME”, at hiningan ang dayuhan ng malaking halaga para maayos ang kanyang problema.

Bakit kaya sa kabila ng banta ni Tansingco sa kanyang mga tauhan ay mayroon pa ring mga pasaway sa airport na gumagawa ng pagkakaperahan? Sino kaya ang nagbigay sa kanila ng pahintulot sa TCEU? Ito kaya ang dahilan kung bakit kapit-tuko sa puwesto ang hepe ng TCEU na halos ayaw bumitaw sa kanyang pagkakakapit?

Samantala, abangan sa susunod at ating ibibisto ang raket sa NAIA nina alias EL at ME na tinarahan umano ang ilang mga tiwaling IOs ng weekly?

Para sa inyong sumbong at reaksyon, i-text lamang ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

283

Related posts

Leave a Comment