SINO ANG SUSUNOD NA PNP CHIEF?

SIDEBAR

ISANG buwan na lang at magreretiro na sa Philippine National Police ang hepe nito na si Gen. Oscar Albayalde sa Nobyembre 8, araw ng kanyang ika-56 na kaarawan na siya ring mandatory retirement age sa PNP at maging sa Armed Forces of the Philippines.

Kaya nga malabong politika sa loob ng PNP ang dahilan kung bakit nahaharap sa imbestigasyon sa Senado at Department of the Interior and Local Government (DILG) si Gen. Albayalde dahil malapit na siyang magretiro at ang isyu na inaalam sa kanya ay nangyari anim na taon na ang nakararaan.

Pabor kay Gen. Albayalde ang kanyang pagreretiro dahil mapagtutuunan na niya ng pansin ang mga isyu hinggil sa pagkakasangkot ng kanyang 13 tauhan sa Pampanga provincial police office sa pag-recycle ng nakum­piskang droga kung kaya sila nabansagang “ninja cops.”

Ngayon pa nga lamang ay marami nang lumulutang na mga ispekulasyon kung sino ang papalit kay Albayalde bilang PNP chief at k­abilang na riyan ang Manila Police District (MPD) director na si Brig. Gen. Vicente Danao, Jr.

Miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991 si Danao na kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil naging chief of police siya ng Davao City mula 2013 hanggang 2016 noong mayor pa si Duterte.

Pero lubhang napakabata ni Danao para maging PNP chief dahil sa August 2023 pa siya nakatakdang magretiro at marami pang mas senior sa kanya at kwalipikado ring maging pinuno ng pambansang pulisya.

Mas malamang na maging director muna si Danao ng National Capital Region Police Office (NCRPO) lalo pa’t inaasahang umakyat sa posisyon sa PNP si NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar kapag magretiro na si Gen. Albayalde.

Miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987 si Eleazar at isa siya sa mga posibleng mahirang na PNP chief dahil na rin sa kanyang mahusay na track record bilang NCRPO director at dating hepe ng Quezon City Police District.

Napabalita ring kabilang sa mga pinagpipilian ni Pangulong Duterte bilang PNP chief ang tatlong police generals na kasama niya sa Russia trip kamakailan. Kabilang sa tatlo sina Brig. Gen. Gilbert Cruz – PNP Regional Police Director XIII; Brig. Gen. Filmore Escobal – Police Security and Protection Group director at Brig. Gen. Rhodel Sermonia – Police Community Affairs Development Group chief.

Si Gen. Cruz ang pinaka-senior sa mga contender at bukod-tanging graduate ng Philippine National Police Academy at miyembro ng PNPA Class of 1986. Ang problema nga lang ni Cruz ay kilala siyang malapit kay dating Vice President Jejomar Binay dahil naging Makati City police chief ang heneral noong mayor pa lang ang bise presidente.

Si Senador Christopher “Bong” Go ang nagsabi na ang isang criteria na gagamitin ni Pangulong Duterte sa pagpili ng bagong PNP chief ay kung sino ang makaka­pagdala at makakapagpatuloy ng reporma sa pambansang pulisya.

Paliwanag ni Senador Go: “Medyo crucial ang next chief PNP. Ayaw naming ma-demoralize ang mga pulis. Tuluy-tuloy ang internal cleansing at ang respeto ng mga tao ay naibalik na sa kanila. Suportado namin sila. Mahihirapan po tayo sa kampanya natin laban sa ile­gal na droga at kriminalidad kung wala sila.”

Tama si Senador Go na kailangang magpatuloy ang internal cleansing sa hanay ng PNP lalo pa’t patuloy ang ilegal na operasyon ng “ninja cops” gaya ng nangyari sa Pampanga noong 2013.

Ang importante ay i-background at i-lifestyle check ang lahat ng heneral na contenders para sa PNP chief nang sa gayon ay maiwasan nang makapag-appoint ng hepe ng pambansang pulisya na may masamang record sa ilegal na droga at korapsyon. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

204

Related posts

Leave a Comment