HINDI na ako nagtaka sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) na ang mga kabataan natin na pag-asa pa man din ng bayan ay nangulelat sa reading comprehension, science at matematika sa 79 bansang sumali.
Papaanong hindi ito nakapagtataka, hirap ang teachers na turuan ang mga napakaraming estudyante sa isang silid-aralan. Noong panahon namin, marami na ang 25 estudyante sa isang klase pero ngayon 40 hanggang 50.
Kahit ano’ng galing ng isang guro ay hindi nito matutukan ang ganitong napakaraming estudyante at bukod pa d’yan ay ipinapagawa sa kanila ang clerical works.
Dito sa Metro Manila, halos kalahating araw na lang ang klase kumpara noon na buong araw ang klase at hanggang isa’t kalahating oras ang ginugugol sa isang subject.
Dekada na ang problema sa sistema ng edukasyon sa ating bansa tulad ng kakulangan ng teachers, silid-aralan, textbooks, teaching materials, pero hindi natutugunan at ang resulta, bagsak sa assessment ang ating mga estudyante.
Isa rin sa nakikita kong dahilan kaya hirap na makaunawa ang mag-aaral sa public schools ay dahil masyado tayong nakatali sa Ingles. Halos lahat ng subject ay sa Ingles itinuturo pero Filipino tayo.
Sa China, South Korea, Japan at iba pang bansa na sumali sa PISA ay matataas ang kanilang rating dahil sa sariling lengguwahe nila itinuturo ang science at matematika kaya nauunawaan ng kanilang mga estudyante ang itinuturo sa kanila.
Masyado kasi tayong mapanuri na kapag hindi marunong magsalita o magsulat ng Ingles ay wala kang kwenta kaya mula elementarya ay sinasanay na tayong lahat na mag-Ingles.
Bakit hindi baguhin ang sistema ng pagtuturo sa ating bansa at ituro sa sariling wika ang mga pangunahing aralin lalo na ang siyensya at matematika tulad ng ginagawa ng ibang bansa?
Kaya sila umaasenso ay dahil sa sistema ng kanilang edukasyon at marami silang natutuklasang makabagong pamamaraan para sa kanilang pag-asenso. Ito ay dahil ang ituturo nila sa mga estudyante ay sa sariling wika para sa siyensya at matematika.
Sana gawin ito ng ating mga edukador at huwag magpatali sa Ingles dahil matagal na nating niyayakap ang lengguwaheng ito pero hindi naman tayo umaasenso. Hindi ba nila nahahalata?
Sa mga bansang asensado, matatas ba ang mga mamamayan nila sa pag-Ingles? Pero tayo ay Ingles nang Ingles ngunit hindi naman tayo umaasenso! (DPA / Bernard Taguinod)
133