BUKAS, May 8, iseselebra natin ang Mother’s Day at bilang pagpupugay sa mga Nanay, naghanap ako ng materyal para sa kanila at nasumpungan ko ang isang tagos sa puso na video sa YouTube.
Eto ang kuwento na isinalin ko sa Filipino.
May ina na bulag ang isang mata ang labis na ikinahihiya ng kanyang anak habang lumalaki. Galit ang bata dahil napapahiya sa itsura ng kanyang ina sa kanyang mga kaeskuwela.
Pagluluto para sa school kung saan nag-aaral ang kanyang anak ang kanilang ikinabubuhay at minsan ay dinalaw ng ina ang anak sa kanilang silid-aralan para kumustahin pero imbes na matuwa ang bata ay ikinagalit niya ito.
Pagdating sa bahay, sinita ng bata ang kanyang ina sa pagkapahiya na inabot nito dahil niloko siya ng kanyang mga kaeskuwela na bulag ang kanyang ina at sinabi nang pasigaw…”Bakit ‘di ka na lang mamatay kung ipapahiya mo lang naman ako.”
Hindi kumibo ang ina sa sinabi ng anak. Nag-aral nang mabuti ang anak at nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa ibang lugar ay hindi na inuwian ang kanyang ina.
Nakatapos ng pag-aaral, nagkaroon ng trabaho, nag-asawa at nagkaroon ng mga anak at isang araw, biglang dumating ang kanyang ina sa kanyang bahay.
Natakot ang kanyang mga apo sa kanyang itsura. Hindi siya ipinakilala sa mga apo at sa halip ay nagalit pa ang kanyang anak sa kanyang pagdalaw at sinigawang “Lumayas ka dito!”
Humingi ng paumanhin ang ina at sinabing “Nagkamali lang siya ng pinuntahang address” at naglaho na lamang ito sa paningin ng anak at ng kanyang mga apo.
Isang araw, nakatanggap ng imbitasyon ang anak para sa reunion ng kanilang klase at dumalo ito nang hindi ipinaalam sa kanyang asawa na wala ring ideya sa ina ng kanyang mister.
Pagkatapos ng reunion, dumaan ang anak sa bahay na tinirahan nilang mag-ina at ibinalita sa kanya ng kanilang mga kapitbahay na patay na ang kanyang ina. Hindi man lang umiyak ang kanyang anak.
Bago siya umalis, ibinigay sa kanya ang sulat na iniwan ng kanyang ina;
Mahal kong anak.
Lagi kitang iniisip.
Patawarin mo ako dahil pumunta ako sa bahay niyo na hindi mo inimbitahan at natakot pa ang iyong mga anak sa akin. Maligaya ako nang malaman kong dadalo ka sa reunion ng inyong eskwelahan. Gusto sana kitang makita pero hindi na ako nakakabangon sa aking higaan.
Patawarin mo ako dahil sa pagkakapahiya mo noong lumalaki ka dahil sa aking itsura.
Alam mo… nung bata ka pa, naaksidente ka at nawala ang isang mata mo. Bilang ina, hindi ko matiis na makita ka na lumalaking isa lang ang iyong mata kaya ibinigay ko ang mata ko sa iyo.
Masaya ako na ang anak ko ay makitang muli nang buo ang mundo para sa akin, dahil sa mata na iyan.
Lubos at labis na nagmamahal sa iyo…
Ang Iyong Ina.
520