Maiging mapag-aralan ang ugat ng terorismo sa Pilipinas upang nang sa gayon ay malunasan na ito at hindi na muling lumitaw pa sa ating bansa.
Ang terorismo ay pandarahas upang makamit ang minimithing karaniwan ay hindi pinaniniwalaan ng mga mamamayan at taliwas sa sangkatauhan.
Naging kasangkapan ang terorismo, ang paghahasik ng lagim, upang makamit ang makasariling interes o upang itulak ang baluktot na paniniwala.
Tunay na ang karahasan ay natural sa tao. Salat sa katwiran ang mga naghahasik ng terorismo, salat sa dunong ang mga nangdadahas, salat sa pang-unawa ang gumagamit ng baril at tabak upang ipilit na mapasunod ang sangkatauhan sa kanilang paniniwala o sistema.
Nasabi ko na ito dati at muli ay sasabihin ko, na ang mga mararahas na tao ay may angking utak na sinauna pa, pawang mga hindi uminog at sumabay ang mga pagkatao sa modernisasyon ng sangkatauhan. Pawang mga utak-bata na pinuno ang mga kamalayan ng mga maling paniniwala at kamangmangan sa katwiran.
Ang alam lamang ng mga terorista ay ang humawak ng baril at bumuo ng bomba. Kaawa-awa, sapagkat nasaan ang kaligayahan sa gayun? Hinahabol ang kanilang mga kaluluwa ng mga pangit na pangitain, mga pangil ng dilim, mga bangungot na hindi nagpapatulog at mga kabagaban sa kaluluwa na hindi nila maunawaan. Salat nga, sila ang totoong dukha sa ating sibilisasyon, mga mangmang na pinaniwala sa paraan ng pagbasa sa isang babasahin na ang totoo namang layunin ay kapayapaan at kaligtasan ng kaluluwa, o ng mga ideyolohiyang binaluktot ng kasakiman o kung hindi man ay pagyurak sa karapatan ng kapwa tao.
Nasabi ko na rin ito ngunit muli ay sasabihin ko pa rin na mismong mga Muslim ay nasusuka sa ipinaglalaban ng ISIS samantalang hango rin naman umano sa Quran ang kanilang katuruan.
Upang mabura ang terorismo sa Pilipinas, simulan ang edukasyon sa mga musmos na ang pundasyon ay ang takot sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
328