TAIWANESE INMATE SA BI JAIL LUSOT SA INSPECTION?

NAGSANIB puwersa ang Philippine National Police , NCR at ang mga tauhan ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration sa isang surprise inspection sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City na nagresulta ng positibong impormasyon na ating nauna nang ibinisto kaugnay sa ilegal na aktibidad ng ilang tiwaling tauhan ng BI.

Nakumpiska ang ilang mamahaling gadgets, internet routers at malaking halaga ng salapi sa kulungan ng apat na Japanese national na fugitive sa kanilang bansa at sangkot sa malaking robbery group, na nagagawa pang mag-operate ang sindikato dahil sa pakikipagsabwatan ng jail guards at ng warden dito.

Bakit kaya ngayon lamang kumilos ang BI at ang PNP samantalang matagal nang naging kalakaran ito sa BI jail na ginawang negosyo ang pagpaparenta ng gadgets at internet connection sa mga nakapiit sa kulungan. Dahil kaya pumutok na naman ito sa media?

Pero teka! Bakit ang Japanese fugitive lamang ang tinitingnan dito, samantalang ang isang malayang fugitive Taiwanese national na may kasong may kinalaman sa ilegal na droga na nahuli kamakailan sa Clark Airport na si Peter Lai na may ari ng Cloud travel agency, ay maluwag din na nakagagamit ng cellphone sa loob ng kulungan. Magkano kaya ang ibinibigay nito sa warden at sa ilang jail guard?

Ang pagkakakumpiska sa loob ng kulungan ng cellphone, laptop at higit kalahating milyong piso ay isang maliit lamang na ebidensya dahil ayon sa nakalap nating impormasyon ay malaking halaga umano ng salapi ang iniingatan ng mismong mga tiwaling opisyales at tauhan ng BI sa mismong warden facility.

Tila wala na talagang pagbabago ang karamihan dito dahil sa alam nilang mababa lamang ang sasapitin nilang parusa, ito ay ang itapon sa main office sa ilalim ng admin ni Madam Inutz. Gayundin ang walang kabuhay-buhay at natutulog na kaso sa Board of Discipline. Mayroon ngang iba dito na nasibak sa Bicutan dahil sa pagpapatakas ng inmates ngunit naging guard pa ng CSU sa main office.

Dapat na kayang baguhin ito ng ating pamahalaan, at ilipat na sa kapangyarihan ng BJMP o ng PNP ang pagbabantay sa mga dayuhang nakakulong sa ating bansa? DOJ Secretary Boying Remulla, Sir! ‘Yan ang pag-aralan mo upang hindi na maulit muli ang kagaya sa nangyari sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa.

Hindi naman lahat ng mga kawani ng BI ay tiwali, mas marami pa rin dito ang mga opisyales at empleyado na lumalaban nang patas, may malasakit sa ahensya at nagtitiis sa maliit na suweldo.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

264

Related posts

Leave a Comment