PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA bayan ng Taytay na kilala bilang Garments Capital of the Philippines, may dalawang lokal na opisyal na sukdulan ang siba sa kwarta – sina Alanis the Lion at ang tuta niyang si King Elefante.
Sa loob lang ng dalawa’t kalahating taon, hindi biro ang kanilang ginawang kwarta sa paraan ng ghost delivery, SOP sa mga kontrata, at overpricing sa procurement deals sa munisipyo.
Gayunpaman, sadya yatang walang kabusugan ang tambalang LION KING na nakaisip ng bagong diskarte — ang magpapasok ng mga kapitalista’t negosyante.
Ang totoo, walang masamang humikayat ng mga negosyante. Katunayan, ‘yun mismo ang ginagawa ng ating mahal na presidente sa kanyang mga biyahe.
Pero hindi tulad ni Pangulong Marcos Jr. na may bitbit na resulta pagkatapos ng biyahe — bagong negosyo, sandamakmak na trabaho at karagdagang buwis para sa tustusan ang mga programa at proyekto ng ating gobyerno – kakaiba ang motibo ng dalawang dorobo.
Sa kaso ni Alanis the Lion, kailangan niyang maghapit dahil sa tawag ng laman. Linawin ko lang ha… hindi babaero si Alanis the Lion. Papa ang hanap niya – hindi lang isa o dalawa kundi sanrekwa para nga naman laging may reserba.
Ang siste, hindi sapat ang kanyang buwanang sahod bilang lokal na opisyal. Kaya nga niya kinuha sa munisipyo si King Elefante na punong-abala sa pakikipag-usap sa bibiktimahing mga negosyante.
Kabilang sa kanilang biktima ang tatlong kapitalistang pasok sa negosyo ng peryahan para sa nalalapit na kapistahan sa buwan ng Pebrero – ang dinarayong Hamaka Festival.
Ang bawat isa, hiningan ng tumataginting na P3 milyon para sa operasyon ng perya pero pagkatapos iabot ang pera kay King Elefante, dedma na ang kawawang mga negosyante.
Nakausap ko ang isa sa kanila. Nakakaawa talaga – hindi na halos makalakad dahil sa kanyang karamdaman. Pero dahil sa laki ng perang binitawan, tinatiyaga niyang bumiyahe mula pa sa malayong lalawigan sa pag-asang ibabalik ng tambalang LION KING ang perang kanyang binitiwan sa kamay ng mga kawatan.
Nagtuturuan ang dalawang dorobo. Ayon kay King Elefante, ni-remit na niya kay Alanis the Lion ang kwarta. Nang puntahan ang lalakerong si Alanis the Lion, itinuro naman ang alagang Elefante.
Ang tanong — saan na kaya napunta ang P9 milyon (P3 milyon sa bawat kapitalista) kinultab ng tambalang LION KING?
oOo
Sa pagsasaliksik sa pagkatao ni Alanis the Lion, lumalabas na siya pala ay dalubhasa sa larangan ng panunuba.
Katunayan, pati mga kapatid ng kanyang ama niloko niya – binenta ang lupang pag-aari ng kanyang tiyo at tiya.
Hindi pa dyan natatapos ang kwento, ang bawat lote (prime property sa kahabaan ng national road), tatlong beses isinalya. Kaya ang resulta, kabi-kabilang demanda. Kabilang sa kanyang mga biktima ang Bumbay na nadale niya ng hindi bababa sa P28 milyon.
Noong panahon ng pandemya, santambak na donasyon ang ginawa niyang kwarta. Ikinarga niya sa pamahalaan bilang emergency purchase ang donasyon ng SM Taytay sa kanyang barangay.
Clue: Mas marami pa siyang biyahe sa ibang bansa kesa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tuwing lalabas ng bansa, bitbit ang kanyang papa.
37