TAMBALANG RSA AT MVP

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

SINO ang mag-aakala na ang isang business tycoon ay makikipagtambalan sa kapwa niya bilyonaryong negosyante na dati ay mahigpit niyang katunggali sa malalaking proyekto sa ating bansa?

Oo. Ito ay si Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation o mas kilala bilang RSA. Si Manuel V. Pangilinan naman ay may palayaw na MVP.

Sina RSA at MVP ay nagsanib puwersa sa isang tinatawag na ‘big-ticket’ project na nagkakahalaga ng P72 billion para sa konstruksyon ng Cavite-Batangas Expressway (CBEX) at Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX).

Ang nasabing expressway ay may habang mahigit 90 kilometro. Ang nasabing proyekto ay planong idugtong sa Cavite-Laguna Expressway (CALAEX) na magpapabilis at magbibigay ginhawa sa biyahe ng mga motorista sa katimugan ng Luzon.

Noong Lunes, nagkaroon ng pirmahan ang dalawang dambuhalang negosyante ng Pilipinas sa isang Memorandum of Agreement na sinisiguro ang pagsisimula ng napakagandang proyekto.

Hindi nag-atubiling bumisita si RSA sa tanggapan ni MVP sa Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) sa Makati City upang pirmahan ang nasabing ugnayan.

Sina MVP at RSA ay kilala bilang magkatunggali, hindi lamang sa negosyo, kundi pati sa larangan ng palakasan. Ang dalawa ay may ilang koponan na kalahok sa Philippine Basketball Association o PBA. Sumusuporta rin sina RSA at MVP sa ilang amateur sports.

Dagdag pa dito, si RSA ay todo ang suporta kay MVP upang maging matagumpay ang pag-host natin sa FIBA World Cup.

Talagang marami ang posibleng mangyari sa paglipas ng panahon. Sa tambalang RSA at MVP sa larangan ng isports at malalaking proyektong pang-imprastraktura ay tiyak na makikinabang ang taumbayan at ang ating pamahalaan.

Sina RSA at MVP ay maituturing na tunay na makabayan. Silang dalawa ay may galing at talino upang makapag-isip ng mga proyekto na makatutulong na umangat ang ekonomiya ng ating bansa.

Dapat tumigil na ang mga grupong mahilig manira at mainggit sa mga ginagawa ng mga taong tulad nila. Puros batikos subalit walang solusyon. Puros angal subalit ayaw namang magbayad ng wastong buwis.

Magpakatotoo tayo. Ang pagginhawa ng buhay ay nakasalalay sa magandang ekonomiya. Ang ating pamahalaan ay kailangan ang pribadong sektor upang makatulong umangat ang ating ekonomiya.

Sana naman ang tambalang RSA at MVP ay magpatuloy at makapag-isip pa ng mga proyekto sa larangan ng patubig, koryente, telekomunikasyon, transportasyon, langis, pabahay at marami pang iba.

Kapag naging matagumpay ang tambalang ito, nakasisiguro ako na sa loob ng sampung taon, ang Pilipinas ay isa na sa mga malakas ang ekonomiya sa Asya. Mabuhay ang tambalang RSA at MVP.

233

Related posts

Leave a Comment