TECHVOC PINATAY NG K-12

PUNA

IMBES na makatulong sa mga Pinoy ang pagpapatupad ng K-12 Program ng Department of Education (DepEd) ay lalo pa itong nakasama.

Bakit nasabi natin ‘yan? Pinatay kasi nito ang Technical Vocational o TechVoc.

Ang TechVoc ay mga kursong mula anim na buwan hanggang dalawang taon ang pinakamatagal. Kabilang sa mga ito ay mekaniko, welder, mananahi, electrician, technician, 2-year course sa computer, secretarial at maraming iba pa.

Ang mga nagtapos sa mga maigsing kursong ito ang magbibigay sana ng malaking ambag sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa dahil mabilis silang nakapapasok sa mga kompanya.

Pero baligtad ang nangyari, pinatay sila mismo ng K-12 Program ng DepEd.

Sa mga susunod na taon ay wala nang mag-o-offer na anumang eskuwelahan sa bansa sa tinatawag na short term courses.

Sila pa man din ang mabilis na nakapapasok sa lokal o abroad man dahil ang tawag sa kanila ay ‘skilled workers’.

Ipinatupad ang K-12 na wala namang mga kagamitan ang mga eskuwelahan na nag-o-offer nito.

Kaya ang nangyari tuloy, ang mga nagtapos ng senior high school ay nganga ngayon.

Saan sila? Walang trabaho dahil wala silang natutunan kasi walang silbi ang K-12 Program.

Marami ring mga Pinoy ngayon ang nawalan na ng pag-asa na mu­ling makapag-aral sila ng kolehiyo lalo na ang mga may edad na. Kasi nahihiya na silang bumalik pa sa high school. Sabi nga nila, nagtapos na sila ng high school, tapos babalik pa sila uli para makapag-enrol sa kolehiyo?

Duda tuloy ng nakararaming Pinoy, nakipagsabwatan ang dating administrasyon sa mga pribadong eskuwelahan dahil karamihang nag-o-offer ng K-12 Program ay sila.

Kaya nananawagan sila kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na silipin niya ang epekto nito sa mga Pinoy kung nakabuti ba o hindi.

At sana ‘wag daw magpatumpik-tumpik ang Kongreso, ituloy nila ang kanilang inquiry sa K-12 ng DepEd.

Dapat magkaroon ng tamang konsultasyon sa taumbayan para malaman kung maraming tutol o hindi at dapat isaalang-alang nila ang epekto nito sa hanapbuhay ng mga Pinoy.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com / operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)

385

Related posts

Leave a Comment