Mapapansing kahit araw ng Linggo ay mabigat na rin ang trapiko. Ito ang reyalidad na nagpapahirap sa mga Filipino lalo na ang mga nakatira, nag-aaral at nagtatrabaho sa Metro Manila.
Nasa P2.4 bilyon kada araw ng pinagsamang pondo ng bawat mamamayan at pamahalaan ang nasasayang dahil lamang sa mabigat na trapiko sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa loob ng isang taon ay aabot itong matatawag na lost income sa P643 bilyon.
Ayon naman sa isang pag-aaral ng kilalang urban planner na si Felino Palafox naniniwala naman siyang kinakailangan ng Metro Manila ng mga 10 circumferential road at isang railway system na magli-link sa buong kapuluan.
Mukhang ito na ang pinagtutuunan ng pansin ng DPWH sa ilalim ng pamamahala ni Sec. Mark Villar.
Sa ganang akin mga kamasa, napakasimple lamang ng solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Una, ipatupad ang odd-even scheme para sa mga pampribadong sasakyan sa buong Metro Manila. Kalahati kaagad ng bilang ng mga ito ang mawawala sa mga lansangan.
Ikalawa, tanggalin ang mga terminal ng mga pamprobinsyang mga bus mula sa EDSA, at mag-establisa ng terminal sa Valenzuela City para sa mga papuntang norte, at isang terminal naman sa Alabang para sa mga bus na biyaheng pa-south.
Ikatlo, magkaroon ng moratorium sa pagbebenta ng mga “low down payment” na mga sasakyan, o ipagbawal ang pagbebenta ng kotse na mas mababa sa P300,000 ang down payment.
Ikaapat, i-tow lahat ng sasakyan na ginagawang parking area ang mga side street at mga pampublikong lansangan, ipatupad ng mahigpit ang “no garage, no vehicle” policy.
Ikalima, ibalik at isaayos ang mga U-turn slot na unang ipinatupad ni dating MMDA chairman Bayani Fernando. Kung kinakailangang tanggalin ang mga stoplight e tanggalin na ang mga ‘yan.
Ikaanim, tanggalin ang mga kolorum na bus sa EDSA at sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.
Ikapito, bigyan lamang ng isang minuto sa bus stop ang mga bus sa EDSA na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero.
Ikawalo, mahigpit na ipatupad ang paggamit ng bus lane at motorcycle lane sa EDSA.
Ikasiyam, lagyan ng mga kawani ng MMDA ang lahat ng busy intersection sa lahat ng oras hanggang gabi.
Ikasampu, pag-iskedyul ng implementasyon ng mga paggawa sa mga pampublikong lansangan ng DPWH at ng mga lokal na pamahalaan. Magandang mapag-aralan na rin na habang gumagawa ng riles ng MRT ay maisabay na ang paggawa ng Skyway sa ibabaw nito para isang sakripisyo na lamang para sa mamamayan na nagtitiis ng matindi para lamang bigyan-daan ang mga bagong ruta ng tren. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
240