Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lang ang takot ng marami nating kababayan hinggil sa tulong na ibinibigay ng bansang China sa ating bansa partikular sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naisip ko na lang na baka kulang ang publisidad ng China hinggil sa mga tulong nito sa Pilipinas o sadyang malakas pa ang propaganda ng Estados Unidos para palakasin ang sentimiyentong anti-China at pro-US ng mga Filipino.
Nitong nakaraang tatlong taon (2016-2019) halimbawa, tumaas ang bilang ng mga turistang Chinese sa bansa ng 150 porsyento mula 500,000 sa pagtatapos ng 2015 hanggang sa 1.3 million sa kalagitnaan ng 2019.
Dumoble naman ang pag-eksport natin ng saging sa China mula 2016 hanggang 2017 mula nang pahigpitin ni Pangulong Duterte ang relasyon ng Pilipinas sa People’s Republic of China kung saan umaabot na ng 531,971 metriko tonelada ang banana export natin sa PRC na siya na ngayong top trading partner ng Pilipinas.
Inaasahan ding tataas ang bilang ng inieksport nating avocado lalo pa’t nagkaroon na tayo ng kasunduan sa China hinggil sa Phytosanitary Requirements for Avocado exports at ito ay napagtibay sa pagbisita sa bansa kamakailan ni Chinese Vice Minister Hu.
Si Hu rin ang nag-deliver sa gobyernong Duterte ng certificate sa feasibility study ng Panay-Guimaras-Negros bridge na nagkakahalaga ng P27.16 billion na magmumula sa financial grant ng pamahalaan ng China.
Bahagi rin ng popondohan ng nasabing grant ang “Basket Two” projects na magbibigay pansin sa ilang mga Visayas-Mindanao projects kabilang na ang Davao City Expressway at ang pagtatayo ng Marawi Sports Complex at Central Market na bahagi ng patuloy na rehabilitasyon ng Marawi City.
Ang pagbisita ni Hu ay nangyari dalawang buwan matapos muling bumisita sa China si Pangulong Duterte kung saan personal niyang nakaharap si Chinese President Xi Jinping para pormal na lagdaan ang anim na “major loan and assistance projects.”
Pinakamalaki sa mga nasabing loan agreement ang P175.3 billion na nakalaan sa Philippine National Railway (PNR) South LongHaul Project na inaasahang muling magpapasigla sa train system papuntang Bicol region. Inaasahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maia-award na ang nasabing proyekto bago matapos ang 2019 at sa 2022 target na completion ng PNR South Long Haul Project.
Si Hu rin ang nag-deliver ng mga Memorandum of Understanding (MOU) documents para sa mga donasyon ng China sa bansa kabilang ang 4 sets ng mobile containers and 2 sets ng CT scan inspection systems pati na ang P 150 million broadcast equipment para sa Philippine Broadcasting System (PBS) na pag-aari ng gobyerno.
Mahina nga ba sa publisidad ang China sa Pilipinas o sadyang malakas lang ang anti-Chinese propaganda ng mga ahente ng imperyalismong US na siya ring nasa likod ng mga kaguluhan sa Hong Kong. Kayo na ang bahalang humusga. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
129