TARGET NI KA REX CAYANONG
Ito ang ipinakikita ng Barangay Pulong Santol, Porac, Pampanga, sa kanilang lingguhang clean-up drive na pinangunahan ni Kapitan Romy Gamboa, kasama sina Kagawad Rico Santos at Ramon Mercado, mga barangay tanod, at mga miyembro ng 4Ps.
Ang kanilang pagtutulungan ay isang patunay na kapag nagbubuklod ang komunidad, mas magiging malinis at maayos ang kapaligiran.
Hindi lamang sa kalinisan nagtatapos ang pagtulong ng Barangay Pulong Santol. Ang kanilang mga programa ay umaabot pa sa iba’t ibang aspeto ng pangangailangan ng mga residente. Kamakailan, sa pakikipagtulungan ng United Kapampangan Groups at One Team Best Buddies, nagdaos sila ng isang medical mission na nagbigay ng libreng EENT services sa mga residente ng Pulong Santol at mga kalapit-baryo. Ang programang ito ay isang handog mula sa mapagmalasakit na puso ni Kapitan Gamboa at ng kanyang konseho.
Taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot nina Karina Mae Anne Lacsina, Orlando Vital Jr., Rogelio Ponce, at Adan Albina para sa medical assistance na kanilang natanggap mula kay Kapitan Gamboa.
Ang tulong na ito ay nagpagaan sa kanilang mga gastusin sa ospital, gamot, at kinakailangang procedures sa Jose Lingad Memorial General Hospital. Ang PhilRECA Party-list at si Rep. Presley De Jesus ay malaking bahagi rin ng tagumpay ng programang ito, na nagbigay ng kinakailangang suportang pinansyal.
Sa bawat pagkilos ng Barangay Pulong Santol, kitang-kita ang tunay na diwa ng bayanihan. Ang kanilang programa para sa food assistance payout na nagbigay ayuda sa 113 benepisyaryo, kabilang ang mga senior citizens at PWDs, ay isa pang halimbawa ng kanilang dedikasyon sa serbisyo.
Ang programang ito ay naisakatuparan sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng PhilRECA Party-list. Ang presensya nina Brgy. Kapitan Romy Gamboa at ng kanyang konseho, kasama sina Dir. Vic Pascua at mga taga-SWAD Region 3, ay nagpapatibay sa kahalagahan ng kooperasyon sa bawat proyekto.
Samantala, hindi rin matatawaran ang kanilang inisyatiba sa paggamit ng renewable energy. Ang donasyon ng 50 pirasong solar lights mula kay Cong. De Jesus ng PhilRECA Party-list ay isang malaking tulong sa pagpapailaw ng barangay. Ang pagkilala ni Kapitan Gamboa sa donasyong ito ay nagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa bawat kontribusyon para sa ikauunlad ng komunidad.
Sa bawat hakbang ng Barangay Pulong Santol, makikita ang kanilang walang kapagurang serbisyo at malasakit.
Ang mga programa at proyekto nila ay patunay na sa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Gamboa, ang pagkakaisa at pagtutulungan ay magdadala ng mas maliwanag na bukas para sa lahat.
Mabuhay po kayo, mga bossing!
114