‘WAG SANANG MANGAMOTE BATAS SA ‘KAMOTE RIDER’

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ISANTABI muna natin ang sarap ng kamote bilang pagkain – mapa- nilaga, prito (ala French fries), ginataan at marami pang luto sa kusina ni Nanay.

Kakaibang sustansya ng kamote muna ang tikman natin.

Noong nasa elementarya at high school, may mga pagkakataon na narinig ko ang “Why don’t you go home and plant camote?”

Meron pang nangamote sa eksam. Hindi magandang pakinggan, ngunit isang idyoma ito ng naiinis nang titser sa mag-aaral na hindi makasagot o kaya ay mabagal matuto.

Ngayon ikinabit na ang kamote sa driver kaya nabuo ang “kamote rider o driver.”

Eto na. May panukalang batas na inihain sa Kamara upang protektahan ang matitinong driver na nadadamay sa aksidenteng kagagawan ng kamote rider.

Isinampa sa House of Representatives ang House Bill (HB) No. 10679 o ang Defensive Driving Act of 2024 nina PBA Party-list Rep. Margarita Nograles at Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario para amyendahan ang Article 124 ng Revised Penal Code.

Mas kilala sa tawag na “Anti-Kamote Driver Bill,” nakasaad dito na ang sinomang sangkot sa aksidente ay pwedeng hindi makulong kung makapagbibigay siya ng ebidensiya, gaya ng kuha ng dash cam o CCTV, ibang video footage o litrato mula sa saksi sa paligid ng pinangyarihan ng aksidente, na magpapatunay na hindi siya ang may kasalanan sa aksidente.

Pero kung lalabas sa imbestigasyon na may pagkakamali rin siya ay pwede pa rin siyang makasuhan.

Ayon kay Nograles, mapipigil ng panukala na mabiktima nang doble ang inosenteng motorista – una ng hindi maingat magmanehong driver at ng hindi patas na legal na proseso.

Aniya, “mahirap naman na ikaw na ang binangga, tapos ikaw pa ang makukulong”.

May nauna nang panukala para protektahan ang hindi responsable sa aksidente sa lansangan. Ito ay ang HB No. 10123 o ang mungkahing Philippine Responsible Driving and Accountability Act na isinusulong ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos.

Inihain ito dahil may mga kaso na ang mga motorista, kahit sumusunod sa tuntunin at regulasyon ng trapiko, ay pinarurusahan dahil ang responsable sa aksidente ay higit na nasugatan o namatay.

Marami ang napeperwisyo ng mga kamote driver, na naaaksidente dahil sa kanilang kapabayaan.

Ang masaklap, may nadadamay na matitinong magmaneho.

Panahon na para maprotektahan ang matitinong motorista laban sa mga kamote driver na hindi ata takot mamatay sa kalsada.

Pero, paano kung walang dash cam o kaya CCTV sa pinangyarihan ng aksidente? Wala ring nakasaksi o testigo. ‘Yan ang masakit na aray.

Si Kamote driver na naman ang walang pananagutan dahil mas grabe ang kanyang injury kaysa matinong motorista.

Pano ba ‘yan, panibagong butas sa batas. ‘Wag naman sanang mangamote ang batas sa mga kamote rider.

74

Related posts

Leave a Comment