WAGE BOARD PARA KANINO?

ILANG taon nang ­nagbabanta ang mga mambabatas na bubuwagin ang mga Regional Tripartite Wage and ­Productivity Board pero nagtataka naman ako bakit puro lang sila banta at walang naipapasang ­resolusyon man lamang para lusawin ang board na ito.

Alam ng mga mambabatas na talo ang mga manggagawa sa Tripartite na ito dahil isa lang ang kanilang kinatawan sa bawat regional wage board dahil ang dalawa ay kinatawan ng gobyerno at kinatawan ng mga negosyante.

Isa laban sa dalawa ang labanan at kahit itinulak ng kinatawan ng mga manggagawa ang mas mataas na umento sa sahod ng mga kapwa niya, matatalo siya sa dalawang boto ng kinatawan ng gobyerno at mga negosyante.

Sino ba namang negosyante ang gustong magtaas ng malaking umento? Hindi mangyayari ‘yan dahil maraming negosyante ang ayaw mabawasan ang kanilang kita.

Ang laging katuwiran naman ng gobyerno, kailangan may trabaho kaya kung boboto sila ng pabor sa mas mataas na wage increase, maraming negosyante ang mapipilitang magsara.

Talo sa desisyon ang kinatawan ng mga manggagawa sa wage board kaya marami ang nagtatanong, para kanino ba talaga ang opisinang ito? Palagay ko alam niyo na ang sagot.

Kaya ‘yung mga petisyon na P470 na umento sa mga manggagawa sa Metro Manila workers ay suntok sa buwan ‘yan. Malabo pa ‘yan sa sabaw ng adobong pusit kaya huwag umasa.

Mas lalong malabong-malabo sa burak ng mga estero sa Metro Manila ang mga petisyong P400 pagtaas sa mga iba pang rehiyon sa bansa dahil hindi kakayanin ng mga negosyante na doblehin ang sahod ng kanilang mga manggagawa.

Papayag ba naman ang mga negosyante na magdagdag ng suweldo ng mga manggagawa nila eh hindi pa nga sila nakakabawi sa pandemyang dulot ng COVID-19? Baka magsara na lang sila.

Saka bihira naman ang regular employees sa mga probinsya lalo na sa sektor ng agrikultura dahil ang diskarte ng mga negosyante, ipapakontrata na lang ang trabaho.

Kunwari, imbes na arawan ang pagkakarga ng mga palay sa isang ten wheeler truck, ipapakontrata na lang nila ‘yan ng P2,500 kada truck. Sa loob lang ng dalawang oras, matatapos ang trabaho dahil pagtutulungan ‘yan ng 7 agri workers.

Kung arawan ‘yan, baka hindi matapos makargahan ng palay ang isang truck ng 7 tao sa loob ng isang araw at P3,130 ang ipapasahod kung P400 ang minimum wage sa probinsyang ‘yun.

Pero dahil kontrata, natatapos ang trabaho ng 2 oras lang at maaari pa silang magkarga ng iba pang truck at sa loob ng isang araw, hanggang apat na truck ang makakargahan nila kaya kung P10,000 ang kikitain ng grupo ng 7 tao at kung pag-hahatian nila ‘yun, meron silang tig-P1,428.

Ganyan dumidiskarte ang mga negosyante sa agri sector at panalo sila sa sistemang ‘yan kumpara kung gagawing regular ang kanilang mga worker pero ­siyempre, hindi regular ang trabaho ng mga kargador. Isang beses lang magtrabaho sa isang linggo at tambay sa 6 na araw.

242

Related posts

Leave a Comment