‘YUNG mga hindi matanggap na si Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang iniluklok ng sambayanang Filipino sa Malacañang sa katatapos na eleksyon, ikonsidera n’yo ang kalagayan ng Pilipinas mula noong 1986 nang mawala ang mga Marcos hanggang ngayon. May nangyari ba naman kasi?
Noong panahon ng EDSA revolution, wala pa akong pakialam sa paligid ko. Nakatutok lang ako noon sa pag-aaral ko at uso pa noon ang penpal at ‘yun ang isa sa mga pinagkaaabalahan ko.
Wala akong pakialam sa pulitika kahit noong nasa kolehiyo ako at saka lang ako nagkaroon ng idea sa paligid ko noong maging reporter na ako lalo na noong ma-assign na ako sa political beat.
Una kong coverage sa national campaign ang senatorial election noong 1995 at na-assign ako kay Bongbong Marcos na noo’y tumatakbo bilang senador sa unang pagkakataon.
Sa coverage na ‘yun kahit nag-iisa siya at walang mga pulitikong lokal na tumutulong sa kanya, dinudumog pa rin siya ng mga tao kaya ang tingin namin noon panalo siya kaso noong nagbilangan, natalo siya.
Hindi na ako nagulat na nang magkaroon ng pagkakataon si BBM na tumakbo bilang pangulo, siya ang pinili ng mga tao dahil naumay na sila sa mga pangakong hindi natupad ng mga nagdaang mga lider ng bansa mula kay Cory Aquino.
Sa higit tatlong dekada na nawala ang mga Marcos, hindi naman kasi nagbago ang buhay ng mga Filipino eh. ‘Yung mga pangakong kaunlaran, hindi naramdaman ng mga tao.
Kung meron mang nabago ang buhay ay ‘yung mga taong nakapaligid sa mga sumunod na pangulo ng bansa o mula kay Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino hanggang kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pansinin niyo ha, ang mga taong nakapaligid kay Cory napunta rin sa mga sumunod na lider ng bansa kaya sila-sila lang kung baga at ang mga ordinaryong mamamayan ay naiwan sa baba.
Marami akong kilala noong elementarya at high school na sila ang dapat makinabang matapos ang EDSA revolution, ang wala pa ring makuhang regular na trabaho dahil wala silang makitang oportunidad gayung ang pangako sa mga nagrebolusyon ay maayos na bansa at aasenso ang lahat.
Napabayaan ang mga tao sa baba. ‘Yung mga mahihirap noong dekada ’80 hanggang ngayon ay mahirap pa rin at ‘yung iba naman na umangat kahit papaano ang buhay ay dahil sa sariling sikap tulad ng pagtatrabaho bilang katulong sa abroad.
Mahigit tatlong dekada pinaasa ang mga tao. Anim na pangulo na ang nagdaan pero walang nangyari sa kanilang buhay kaya masisisi mo ba ang mga tao na magdesisyon na ibalik ang mga Marcos baka sakali?
Saka demokratiko tayo. May kapangyarihan ang mga tao na magluklok ng mga lider nila at ginamit nila ang kapangyarihang ‘yun noong Mayo 9 kaya ‘yung mga nagmamahal sa demokrasya na kumukuwestiyon sa panalo ni BBM, akala ko ba demokrasya ang ipinaglalaban niyo? Kasalanan ba ng mga mahihirap na mas marami sila (dahil sa kapabayaan ng mga nagdaang administrasyon) kaysa middle class kuno?
97