NAHAHARAP sa patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang anim na pulis-Pasay, kabilang ang isang major, makaraang ipaaresto mismo ng hepe ng pulisya kaugnay ng ini-release na Chinese national na una na nilang dinakip.
Ani Pasay City Police chief, Colonel Cesar Paday-os, sibak na sa pwesto bilang sub-station police chief si Major Crisanto Racoma ng Pasay City MOA Sub-Station, kasama ang lima pang ibang naging bahagi ng isinagawang Oplan Sita noong n Oktubre 2.
Kinilala naman ang lima pang kasamang inaresto na sina Lt. Noelson Garcera, Sgt. Johnvir Tagacay, Cpl. Jayson Lunas, Cpl. Jerson Bauzon at Cpl. Christian Cadingan.
Ayon kay Paday-os, inaresto, dinisarmahan at sinibak ang nasabing mga pulis nang pakawalan ng mga ito ang isang Chinese national na nasabat sa Oplan Sita sa bandang Mall of Asia kamakailan.
Aniya, bukod sa walang naiprisintang lisensya, nakuhanan din ng kargadong .9mm pistol ang suspek na noo’y nagmamaneho ng Ford Mustang.
Sinamsam din umano ng mga sumitang elemento ng MOA Sub-station ang mamahaling relong Rolex ng Chinese national, mobile phones, laptop at ‘di pa mabatid na halaga ng salapi.
Sa halip na arestuhin, inisyuhan lamang umano nina Racoma at ng limang iba pa, ng citation ticket ang Tsino. (DAVE MEDINA)
