(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TANGING kumpas na lang ni Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin ang kulang para sa masimulan ang tinatawag na “internal cleansing” sa mga tiwaling pulis na nagbibigay proteksyon sa ilegal na operasyon ng jueteng sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga posibleng sumabit at malaglag sa pwesto si Col. Samuel Delorino na hindi pa nagtatagal sa kanyang pwesto bilang provincial director ng Oriental Mindoro. Pasok din sa itinuturong responsable sa laganap na operasyon ng jueteng sa bayan ng Victoria si Mimaropa PNP regional director Brig. Gen. Sidney Hernia dahil sa kabiguang tugunan ang problema.
Partikular na tinukoy ang di umano’y lantarang operasyon ng isang alyas Chito Mañalac na pinaniniwalaang nagmamay-ari ng kumpanyang Global Tech Mobile Online Corp., gamit ang kanseladong prangkisa para sa Peryahan ng Bayan.
Gayunpaman, nananatiling tikom naman ang bibig ni Victoria Mayor Joselito Malabanan kaugnay ng operasyon ng jueteng sa nasasakupang lokalidad, sa kabila ng mga pagdulog kaugnay ng mga residenteng lubog ang kabuhayan dahil sa pagkalulong sa sugal.
Matatandaang una nang binalaan ni Azurin ang mga unipormadong kawani ng PNP matapos makatanggap ng ulat hinggil naman sa pagtanggap umano ng lingguhang suhol kapalit ng pagbubulag-bulagan sa jueteng operation ni Mañalac – sa bisa ng “basbas” ng isang prominenteng politiko sa naturang lalawigan.
Ani Azurin, hindi umano siya magdadalawang-isip na sibakin ang mga pulis na mapatutunayan sangkot o protektor ng ilegal na palaro ni Mañalac. Katunayan aniya, kasado na rin ang isang malalimang imbestigasyon naglalayon tukuyin ang mga tiwali sa hanay ng PNP.
“Alamin natin kung sino-sino ang nakikinabang at kung paano nakakalusot ang naturang aktibidad. Paalala lang sa ating mga kapulisan, seryoso po ang PNP sa ating one-strike policy,” sambit ni Azurin.
Batay sa batas na lumikha ng PNP, bahagi ng tungkulin ng pamunuan ng pambansang pulisya ang paglilinis ng hanay ng organisasyon.
Kalakip naman ng “police power” ang doktrina ng “command responsibility” na karaniwang nagpapataw ng parusa sa mga pabaya – kundi man protektor na opisyal ng PNP – mula sa regional director, provincial commander at maging hepe ng istasyon ng pulisya sa mga lungsod at munisipalidad.
Bukod sa pagkatanggal sa pwesto, posible rin maharap sa kasong administratibo ang mga PNP official na hindi tutugon sa sumbong kaugnay ng mga organisadong operasyon ng isang sindikato – sa kaso ng Oriental Mindoro, lantarang pagpapataya sa jueteng ng Global Tech ni Mañalac.
Kamakailan lang, inalmahan ng mga residente ang di umano’y sabwatan ng mga tiwaling opisyal ng pulisya at isang prominenteng politiko sa lalawigan ng Oriental Mindoro, kasabay ng hamon kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. at DILG Undersecretary for Barangay Affairs Felicito “Chito” Valmocina na kasuhan ang protektor na politiko.
“Dapat sampahan ng kasong administratibo ang mga protektor na mga government officials dahil sa posibleng pangungunsinte ng mga ito na mag-operate ng illegal number games ang Globaltech ni alyas Mañalac sa mga nabanggit na bayan sa Oriental Mindoro,” saad sa isang bahagi ng liham para kay Abalos.
“Malinaw naman ang polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang puwang ang mga sugalang sumisira sa pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng mga residente.
Bukod sa bayan ng Victoria, agresibo rin umano ang jueteng operation sa mga bayan ng Roxas, Pola, Socorro at sa mismong kabisera – sa Calapan City.
Tugon naman ng mga residente ng Oriental Mindoro kay Azurin – seryosohin ang banta sa mga tiwaling opisyales ng kapulisan sa nabanggit na lalawigan, kasabay ng panawagan na ibigay na ang pinakahihintay na hudyat na magbibigay-daan para tuluyan nang masimulan ang PNP Internal Cleansing.
Kaugnay nito, nilinaw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na wala sa kanilang pangangasiwa ang mga prangkisa ng Peryahan ng Bayan. Ayon pa kay PCSO general manager Mel Robles, walang natatanggap maski singkong duling ang kanyang ahensya mula sa palaro ni Mañalac.
“As far as we are concerned, hindi sanctioned ang operations nila (PNB). They do not remit anything to the PCSO,” ani Robles.
561 