NAGHAIN ng memorandum ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na hinihiling na ibasura ang petition for writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ang petisyon ay inihain nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Acting Mayor Sebastian Duterte at Veronica “Kitty” Duterte para sa agarang paglaya ng kanilang ama.
Sa tatlong pahinang memorandum, inilatag ng OSG ang tatlong pangunahing argumento:
Una, wala na umano sa hurisdiksyon ng Pilipinas ang dating pangulo kaya hindi na maipatutupad ang anomang writ na ilalabas.
Ikalawa, may aktibong partisipasyon na si Duterte sa kasong dinidinig ng International Criminal Court, kung saan gumagamit na ng legal remedies ang kanyang defense team.
Ikatlo, nagbabala ang OSG na dapat mag-ingat ang Korte Suprema dahil ang usapin ng pagdakip at pagsuko ay may kinalaman sa foreign relations at prerogative ng Ehekutibo sa ilalim ng Saligang Batas.
Ipinaliwanag din ng OSG na kahit kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute, ang pagdakip ay isinagawa ng Interpol kasunod ng diffusion notice.
Nanindigan ang OSG na ang mga hakbang ng pamahalaan ay alinsunod sa international law at Section 17 ng Republic Act 9851.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Duterte sa The Hague, Netherlands kaugnay ng mga kasong kriminal at alegasyon ng paglabag sa human rights.
(JULIET PACOT)
4
