OVM: MEDICAL ASSISTANCE TULOY KAHIT NASUNOG OPISINA

MANANATILING bukas sa publiko ang medical assistance program ng Office of the Vice Mayor (OVM) sa Maynila sa kabila ng sunog na tumama sa bahagi ng tanggapan nitong Miyerkules, Setyembre 2.

Ayon sa OVM, agad na ipinatupad ang mga pansamantalang hakbang upang hindi maantala ang pagbibigay ng tulong sa mga Manilenyong nangangailangan ng serbisyong medikal.

Sumiklab ang apoy 5:00 ng madaling araw at mabilis naman itong naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Batay sa paunang ulat ng BFP, isang lumang electrical socket ang nag-spark at nadamay ang nakasaksak na refrigerator sa pantry. Dahil dito, nasunog ang bahagi ng silid at bumagsak ang ilang bahagi ng kisame.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.

Tiniyak ni Vice Mayor Chi Atienza na hindi magiging dahilan ang sunog upang matigil ang paghahatid ng pangunahing serbisyo ng kanyang tanggapan.

“Kahit na nangyari ‘to, rest assured, magtutuloy-tuloy yung operation,” ani Atienza.

Aniya, kung kinakailangan ay handa siyang makipag-ugnayan sa mga Manilenyo kahit sa labas mismo ng kanyang tanggapan upang matiyak na patuloy silang makakatanggap ng tulong.

Iginiit din ng bise alkalde na aksidente ang insidente at wala siyang nakitang kapabayaan mula sa kanyang mga tauhan.

Matapos suriin ang nangyari, sinabi ni Atienza na walang nakitang pagkakamali ang kanyang staff at ang insidente ay nagmula sa pag-spark ng refrigerator na nakasaksak sa lumang electrical socket.

Samantala, habang isinasagawa ang clearing operations at hinihintay ang pinal na safety clearance ng BFP para muling magamit ang loob ng opisina, magtatayo muna ng temporary service desks sa harap ng OVM.

Dito maaaring lumapit ang mga Manilenyo na nangangailangan ng medical assistance, na opisyal nang ipinagpatuloy simula ngayong Huwebes.

Gayunman, pansamantalang suspendido ang libreng legal assistance program dahil ginagamit muna ng mga staff ang espasyo para maipagpatuloy ang administrative operations habang inaayos ang nasirang bahagi ng tanggapan.

Tiniyak ng OVM na patuloy na gagawin ng lokal na pamahalaan ang kinakailangang hakbang upang walang magkaroon ng malaking pagkaantala sa mga serbisyong kailangan ng publiko.

“Accidents happen, but don’t worry, dahil ilalaban po natin na walang magambalang operasyon,” ani Atienza.(BP)

107

Related posts

Leave a Comment