OWWA VOLUNTEERS, IHAHANDA SA PAGTULONG SA DISTRESSED OFWs

AKO OFW

Buhay na buhay pa rin ang diwa ng Bayanihan sa ating mga Filipino. Matapos na aking ilathala sa aking Facebook account ang imbitasyon para sa mga Volunteer Advocates na sumali sa gaganaping Volunteer Advocate Training and Certification Program ay agad na dumagsa ang napakaraming emails na nagpapahiwatig ng kanilang kagustuhan na maging parte ng Certified Volunteer Advocates.

Marami sa mga nagpahiwatig ay nagmula sa iba’t ibang kilalang Advocacy groups na matagal nang tumutulong sa ating distressed OFWs. Pero ang nakaantig ng aking damdamin ay ang mga sulat na aking natanggap mula sa mga dating OFW na naging biktima ng pagmamaltrato.

Isa sa mga sulat ay nagsasabi na “isa po akong distressed OFW na hindi nagkaroon ng magandang karanasan sa Riyadh. Nakauwi ako ng Pilipinas sa tulong ng OWWA nito lamang Agosto. Gusto ko po na maging bahagi ng Volunteer Advocates para matulungan ko rin po ang aking mga kapwa OFW na nakararanas ng katulad ng aking pi­nagdaanan”.

Ang OWWA Volunteer Advocate Training and Certification Program ay bukas para sa lahat ng mga Advocacy organization at maging sa mga indibidwal na ang tanging hangarin ay tumulong sa mga OFW bilang boluntaryo at walang hinahangad na kapalit.

Layunin nito na bigyan ng sapat na kaalaman at maituro ang tamang sistema sa pagtulong sa mga inaapi o namamaltratong mga OFW sa tamang paraan. Kabilang sa mga inaasahang magsasalita o magtuturo ay mula sa Presidential Action Center, OWWA, PDOS Providers, Philippine Recruitment Agencies at POEA.

Ang mga dadalo sa dalawang araw na libreng pagsasanay na ito ay bibigyan ng Volunteer ID at Certification bilang patunay na siya ay may kasanayan sa tamang sistema ng pagtulong sa distressed OFWs. Matapos ang pagbibigay ng pagsasanay para sa mga nasa Metro Manila at karatig na mga probinsya, ay magsasagawa rin ang OWWA ng kahalintulad na pagsasanay at pagbibigay ng volunteer ID at Certification sa mga bansa na mayroong maraming mga OFW.

Ang mga interesado sa pagsasanay na ito ay inaanyayahan na magpadala ng kanilang resume sa aking email na drchieumandap@yahoo.com. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

216

Related posts

Leave a Comment