CAVITE – Tinatayang mahigit sa P.2 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng pinagsamang pwersa ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Regional Special Operations Unit (RSOU), Regional Intelligence Division (RID) at Bureau of Internal Revenue (BIR), sa isinagawang operasyon sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan noong Lunes ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Custom Modernization ang Tariff Act (RA 10863) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Marina” ng Brgy. San Miguel 2, Maragondon, Cavite; “Rufina”, may-ari ng Loloy and Fhena Store sa Silang Market, Poblacion 4, Silang, Cavite; “Dina”, may-ari ng Dina’s Store sa Brgy. Labac, Naic, Cavite; at “Renato”, may-ari ng AGM AD sa Brgy. Luksuhin, Alfonso, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:04 ng umaga, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa Princess Natalie Store sa Brgy. San Miguel B, Maragondon, Cavite sa bisa ng BIR Mission Order, kung saan nakumpiska ang samu’t saring brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P845.00.
Dakong alas-10:15 ng umaga nang magsagawa rin ng operasyon ang mga awtoridad sa Loloy and Fhena Store sa Silang Market, Brgy. Poblacion 4, Silang, Cavite kung saan nakumpiska ang iba’t ibang brand ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P222,350.00.
Umabot naman ng halagang P7,385.00 ang nakumpiskang mga pekeng sigarilyo nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad bandang alas-10:45 ng umaga sa tindahan ni alyas “Dina” sa Dina’s Store sa Brgy. Labac, Naic, Cavite.
Bandang alas-11:15 ng umaga nang magsagawa naman ng operasyon sa AGM AD sa Brgy. Luksuhin sa Alfondo, Cavite na pagmamay-ari ni alyas “Renato”, kung saan nakumpiska ang mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P12,060.00.
May kabuuang P242,640,00 halaga ng mga pekeng sigarilyo ang nakumpiska sa nasabing mga operasyon.
(SIGFRED ADSUARA)
2
