P.6-M ILEGAL NA PAPUTOK, PYROTECHNICS WINASAK

WINASAK ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PCOL Melecio Buslig, Jr., ang mahigit P.6 milyong halaga ng ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics sa isinagawang sabay-sabay na disposal activity nitong Martes sa QCPD ground, Camp Karingal, Sikatuna Village, Quezon City.

Nabatid na ang pagwasak ay pinangunahan nina PCOL Roman Arugay (ADDO), PCOL Joel Villanueva (CDDS), PLTCOL Edgar Batoon (OIC, DMFB), at PLTCOL Vicente Bumalay (OIC, DOD). Pinangasiwaan ito ng mga tauhan mula sa Explosive and Ordnance Division (EOD) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Kaugnay nito, sa kabuuan, 55 na operasyong isinagawa ng 16 na istasyon ng pulisya at iba’t ibang unit ng QCPD, ang nagresulta sa pagkakakumpiska sa P657,282 halaga ng ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics.

Ang mga operasyong ito ay isang mahalagang bahagi ng pinaigting na kampanya ng QCPD upang labanan ang pagbebenta at paggamit ng mga ilegal na paputok at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng kapaskuhan.

Samantala, kabilang sa nakumpiskang ipinagbabawal na mga paputok ay ang Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-Pla, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb (Super Lolo), Mother Rockets (Boga), Small Judas Belt, Kwitis, fountains ng iba’t ibang laki, Leopard King Pacquiao, Kingkong, Sputnik Gold, at Improvised Boga.

Ayon sa QC police, ang mga bagay na ito ay sinamsam dahil sa paglabag sa Republic Act 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices) at Ordinance No. SP-2618, S-2017, na nagbabawal sa paggamit ng firecrackers at pyrotechnic device sa lahat ng pampublikong lugar sa loob ng Quezon City. (PAOLO SANTOS)

208

Related posts

Leave a Comment