P1.2-B MANILA BAY REHAB FUND, KINUWESTIYON NG PAMALAKAYA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

PINALAGAN ng militanteng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang P1.2 bilyong pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Manila Bay rehabilitation program, sa kabiguang mapabuti ang kalagayan ng mga pangisdaan.

Ayon sa PAMALAKAYA, nakatanggap ang DENR ng P1.2 bilyon sa 2026 budget para sa Operational Plan ng Manila Bay Coastal Strategy na bahagi ng kautusan ng Korte Suprema noong 2008 para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sinabi ng grupo, mula nang ilunsad ang rehabilitation program noong 2019, walang naramdamang makabuluhang pagbabago ang mga mangingisda sa kalagayan ng Manila Bay.

Ayon kay Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA, sa halip na gumanda, mas lumala pa ang kondisyon dahil sa mga mapanirang reklamasyon at dredging na mismong DENR ang nagpahintulot.

Tinukoy ng grupo ang hindi bababa sa 13 reclamation projects at 10 seabed quarrying activities na may environmental compliance certificates (ECC) mula sa DENR, na sinisisi ng mga mangingisda at environmentalist sa patuloy na pagkasira ng Manila Bay.

Ayon pa kay Hicap, walang kabuluhan para sa mga mangingisda ang mahigit isang bilyong pisong pondo kung patuloy silang nagdurusa sa pagkasira ng yamang-dagat, sabay giit na pampulitikang desisyon, hindi malaking pondo, ang kailangan upang ihinto ang mga mapanirang proyekto.

Kabilang sa mga tinukoy na nagpapatuloy pa rin, ang City of Pearl Manila (407 ektarya), Navotas City reclamation (650 ektarya), at Pasay Harbour Reclamation project (265 ektarya).

Patuloy rin ang dredging na nagpapahamak din sa Zambales at Ilocos Sur, na pinanggagalingan ng buhangin para sa mga reclamation project sa Manila Bay.

Hindi masama ang pag-unlad ng bansa kung hindi nakasisira ito sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Gumastos na ng malaking halaga ang gobyerno, nasira ang kapaligiran at nawalan pa ng pinagkakakitaan ang mga mangingisda, triple ang tama nito sa mga tao.

-oOo-

Ginawang mas accessible ang mga serbisyo at programa ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa mga Malabueño, partikular ang mga naapektuhan ng mga sakuna at emerhensiya. Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa 64 pamilya na nawalan ng bahay sa nangyaring sunog sa Juliana Street, Brgy. Potrero noong unang bahagi ng Enero.

“Alam po namin ang bigat na nararamdaman ng ating mga kababayang naapektuhan ng sunog sa Potrero, lalo na at kasisimula pa lamang ng bagong taon. Kaya naman po agad tayong nagpaabot ng tulong para tiyakin ang muling pag-ahon ng ating mga kababayan mula sa sakunang ito,” ani Mayor Jeannie.

Kasama ang CSWDD, nagtungo si Mayor Jeannie sa Potrero Elementary School kung saan pansamantalang tumutuloy ang mga apektadong pamilya at personal na inabot ang tig-P10,000 sa 16 na may-ari ng mga nasunog na istruktura, P5,000 sa 40 pamilya na ang mga bahay ay ganap na nasira, at P3,000 sa walong pamilya na ang mga bahay ay bahagyang nasira ng sunog.

Nagbigay rin si Mayor Jeannie ng family food packs na naglalaman ng mga de-latang pagkain, bigas, kape, at noodles, pati na rin ng mainit na pagkain, lalagyan ng tubig, at mga hygiene kit, upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Nagpadala rin ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Mobile Jeannie Services, kabilang ang Mobile Shower, habang ang mga tauhan ng City Health Department ay nagsagawa ng mga medikal na konsultasyon.

Pinayuhan ng alkalde ang publiko na iwasan ang pag-overload ng mga saksakan ng kuryente, regular na inspeksyunin ang mga sira o nakalantad na mga kable, patayin ang mga kagamitang elektrikal kapag hindi ginagamit, itago nang maayos ang mga materyales na madaling magliyab, at ilayo ang mga posporo, lighter, at kandila sa mga bata.

Pinaalalahanan naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang mga residente na manatiling mapagmatyag at mahigpit na sundin ang mga hakbang sa kaligtasan sa sunog, lalo na sa mga komunidad na matao.

“Mahalaga ang seguridad ng bawat tahanan para sa mga pamilya, sa bawat residente. Kaya’t pinapaalalahanan po natin ang lahat na siguruhin ang kaligtasan sa ating kapitbahayan. Iwasan at huwag pabayaan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng sunog. Inaanyayahan natin ang lahat na makiisa sa mga adbokasiya at sundin ang mga paalala para sa mas maayos na pamumuhay sa bawat komunidad,” pahayag niya.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

37

Related posts

Leave a Comment