P1.371-M HIGH GRADE MARIJUANA NASABAT NG CUSTOMS

BUNSOD ng intelligence information ng Philippine Drug Enforcement Agency, nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs ang ipupuslit sanang high grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng P1.371 million.

Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, bilang bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa pagpapakalat ng illegal drugs sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., isa na namang anti-narcotics operation ang kanilang inilunsad.

Dito nasabat ng mga tauhan ng Aduana ang 914 gramo ng high grade marijuana na itinago sa iba’t ibang pakete mula sa Bangkok, Thailand, na nagkakahalaga ng P1,371,000.

Ayon sa BOC, ang pagkakasabat sa nasabing illegal substance ay bunsod ng derogatory information mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya naging alerto ang assigned examiner sa paparating na kontrabando at nagsagawa ng full physical examination sa nasabing shipment pagdating nito sa airport.

Nabatid na ang mga kontrabando ay idineklarang “food spices, condiments, at groceries”.

Sa pagsusuri ay nadiskubre ang 914 grams ng marijuana na nakatago sa 26 assorted packages, at apat na packages na may dried leaves and fruiting tops.

Agad na kumuha ng samples at isinumite sa PDEA para sa chemical analysis, kung saan nakumpirma ang nasabing substance bilang tetrahydrocannabinol o marijuana, na ikinaklasipika bilang dangerous drug sa ilalim ng R.A. No. 9165, as amended.

“The success of this operation is attributed to the coordinated and effective efforts of the Port of Clark – Customs Anti-Illegal Drug Task Force, the Philippine National Police – Aviation Security Group, the National Bureau of Investigation-Pampanga District Office, the Department of Justice, and local officials of Brgy. Dau, City of Mabalacat,” ani Rubio.

Agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing kontrabando dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), and 1113 paragraphs f, i, at l (3 and 4) ng R.A. No. 10863, or Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165, as amended.

Inihayag naman ni District Collector Jairus Reyes na mas lalo pa nilang paiigtingin ang pagbabantay sa Port of Clark kaugnay na rin sa kautusan ni Customs Commissioner Bienvenido R. Rubio na masawata ang lahat ng uri ng pagpupuslit para mapangalagaan ang national security at kapakanan ng sambayanan. (JESSE KABEL RUIZ)

10

Related posts

Leave a Comment