UMABOT sa P1.5 bilyong halaga ng puslit na pekeng luxury items at mga sangkap sa paggawa ng sigarilyo ang nasabat ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Valenzuela City.
Ayon sa pahayag ng BOC noong Biyernes, ginawa ang operasyon noong Miyerkoles sa bisa ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero laban sa mga kinatawan ng CTeknik Development Corporation sa #143 C.P. Gregorio St., Lingunan, Valenzuela City.
Sa nasabing pagsusuri ay nadiskubre ang tinatayang P1.5 bilyong halaga ng mga kontrabando na kinabibilangan ng construction materials, housewares, kitchenware, household appliances, at consumer electronics lighting products mula sa Tsina.
Bukod sa fake items mula sa brands katulad ng Christian Dior, Gucci, Michael Kors, Coach, Guess, Nike, Adidas, at Hello Kitty, bumulaga rin ang isang tagong storage facility ng hilaw na sangkap ng sigarilyo, gaya ng tobacco filler at filter rods. May mga nakita ring beauty at hygiene products gaya ng mga sabon ng Cetaphil, Safeguard, Nivea, Johnsons, at iba pa.
Bunsod nito, ikinandado ng BOC ang mga pasukan at labasan ng bodega. Nakumpleto noong Huwebes ang imbentaryo ng mga Customs examiners na sinaksihan ng BOC at mga kinatawan ng sinalakay na bodega.
Isang warrant of seizure and detention ang inisyu sa mga kontrabando dahil sa paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines, in relation to Section 117 (Regulated Goods), Section 118 (Prohibited Goods), and Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). (ALAIN AJERO)
