LUBHANG naalarma ang oposisyon sa kahihinatnan ng 2022 general elections makaraang maibuslo ng kumpanyang pag-aari ng isang campaign donor ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrata para sa procurement at deployment ng election equipment na gagamitin sa darating na halalan.
Bagamat nakapiit pa rin sa kasong may kaugnayan sa droga, nakuha pa ring maghain ng isang resolusyon ni Senator Leila de Lima na ang hangad ay ipabusisi sa mga kapwa senador ang aniya’y transaksyong maglalagay bahid sa integridad ng halalan.
Partikular na pinabubusisi ni de Lima sa Senado ang pinasok na logistics contract ng Commission on Elections (Comelec) sa F2 Logistics Philippines kung saan itinalaga ng nasabing ahensya ang kumpanyang pag-aari ni Dennis Uy para sa pagbili at pamamahagi ng election equipment, peripherals, forms, supplies, paraphernalia at maging ang pag-iingat ng mga ito sa warehouse.
Ayon kay De Lima, lubhang nakababahalang ipagkatiwala ng Comelec ang sensitibong aspeto ng halalan lalo pa’t isa si Dennis Uy sa mga nakatalang nag-ambag ng salapi sa noo’y kumakandidato pa lang bilang pangulo na si Duterte.
Batay sa deklarasyong isinumite ni Duterte sa Comelec, nag-ambag ng hindi bababa sa isang milyong piso ang nasabing negosyante para sa kampanya ng noo’y alkalde pa lamang ng Davao City.
Naging prominente rin si Uy dahil sa ilalim ng administrasyong Duterte ay nagawa nitong makapangutang ng hindi bababa sa P16B sa iba’t ibang financial institutions gamit ang government guarantee. Sa ilalim ng government guarantee, gobyerno ang papasan sa bayarin ni Uy sa sandaling hindi ito makabayad.
Bukod doon, nagawa rin ni Uy na maipasok ang isa pang kumpanyang kanyang pinamumunuan bilang 3rd telco – ang Dito Telecommunity.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Duterte nakuha ng kumpanyang Udenna ni Uy ang 90% majority shares ng Malampaya Gas field, isang power generating facility na unang isinulong ng gobyerno upang maibsan ang kakulangan ng elektrisidad sa malaking bahagi ng Luzon.
Sa inihaing Resolution 855, binigyang-diin ni De Lima na dapat matiyak na walang anomang bahid ng pagdududa ng posibleng pandaraya, manipulasyon at iba pang iregularidad sa halalan.
Inaprubahan ng Comelec special bids and awards committee (SBAC) ang F2 Logistics Philippines, Inc. ni Uy bilang bidder na may pinakamababang calculated bid para sa P1.61 billion project kaugnay ng procurement at deployment ng election equipment, peripherals, forms, supplies, paraphernalia at warehousing.
Sinabi ni de Lima na dapat tiyakin ng Senado na ang government contracts ay tumutugon sa mga probisyon ng Government Procurement Reform Act at iba pang batas.
Kung mapatunayang may conflict of interest, iginiit ni de Lima na dapat papanagutin ang mga sangkot sa transaksyong ito.
Samantala, iimbestigahan din at pagpapaliwanagin ng Senado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng hindi katanggap-tanggap na pagpapahirap nito sa mga public utility vehicle (PUV) driver.
Sa inihaing Senate Resolution (SR) No. 862 ni Senador de Lima, nais nitong imbestigahan ang inilabas na Commission on Audit (COA) report hinggil sa hindi paggamit ng LTFRB ng pondo para tulungan ang mga PUV driver sa panahon ng pandemya.
Ayon sa COA, nasa 1 porsiyento lamang ng kabuuang P5.58 bilyon ang ginamit ng LTFRB para sa Service Contracting Program.
“PUV drivers are among the sectors most severely affected by the COVID-19 pandemic. On and off restrictions to travel and transportation imposed by the national government to control the spread of the virus have likewise prevented PUV drivers from earning a steady source of income,” sabi ni De Lima.
“Failure to implement a social assistance program addressed to a particularly vulnerable sector of the society amounts to gross neglect on the part of the government and the implementing agency to the prejudice of the program beneficiaries,” dagdag pa nito.
Base pa sa COA report, nagkaroon ng pagkabalam sa implementasyon ng Service Contracting Program mula dalawa hanggang 10 linggo noong Disyembre 31, 2020 na nagresulta ng delayed benefits sa PUV drivers at operators na dapat na benepisyaryo ng programa. (DANG-SAMSON-GARCIA at NOEL ABUEL)
169 