P1-B SMUGGLED PRODUCTS NASABAT SA PASAY

SINALAKAY ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang bodega sa Baclaran, Pasay City kung saan nakumpiska ang aabot sa P1.1 bilyong halaga ng smuggled na pekeng branded na mga produkto.

Sa naantalang ulat ng BOC, Nobyembre 29 nang salakayin ng BOC Intelligence Group (IG) Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Right Division (CIIS-IPRD) at ng BOC-Port of Manila (BOC-POM) ang Baclaran Wholesale Complex sa panulukan ng F.B. Harrison at J. Fernando Streets sa Baclaran, Pasay City.

Armado ng Letter of Authority (LOA) mula kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ininspeksyon ng mga awtoridad ang ilang bodega dahilan para madiskubre ang napakaraming mga damit, bags, sapatos, tsinelas at iba pang gamit na may mga branded na tatak ngunit pawang mga peke.

Nang walang maipakitang legal na papeles ang inabutang mga tauhan ng bodega, ipinatupad ng BOC ang pagkumpiska sa mga produkto.

Patuloy ang imbestigasyon ng BOC para matukoy ang mga utak ng naturang mga kargamento para sa pagsasampa ng kaukulang kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (RA 8293) at Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).

Noong Nobyembre, aabot sa P2.5 bilyong halaga ng mga pekeng kagamitan din ang nasabat ng BOC sa ilang bodega sa Pasay City.

Ayon sa BOC, pinaigting nila ngayon ang pagbabantay laban sa pagkalat ng mga pekeng kagamitan sa merkado na ibinibenta bilang original brands lalo ngayong sasapit ang Kapaskuhan. (RENE CRISOSTOMO)

203

Related posts

Leave a Comment