CAVITE – Tinatayang mahigit sa P1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Tanza, Cavite noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang arestadong mga suspek na sina Randy Rodeo y Batcho, 45, may asawa, ng Hermio Compound, Bucal, Tanza Cavite, at Angelito Clamosa y Bayas, 54, may asawa, ng Daang Amaya, Tanza, Cavite
Ayon sa ulat, dakong alas-9:15 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng SOU 4A, PNP DEG sa pamumuno ni P/Lt. Jeffrey Padilla; SOU 4A, PDEG at Tanza Municipal Police Station sa tapat ng SEAOIL Gas Station sa Brgy. Amaya 2, Tanza, Cavite kung saan 100 gramo ng shabu ang naging transaksyon sa pagitan ng mga suspek at poseur buyer.
Ngunit nang maaresto ang mga suspek, hindi lang 100 gramo ang bitbit ng dalawa matapos na marekober pa ang 50 gramo ng hinihinalang shabu kaya umabot sa P1,020,000 halaga ang kabuuang nakumpiska sa mga ito. (SIGFRED ADSUARA)
207
