Ni JOEL O. AMONGO
Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Zamboanga City ang mahigit sampung milyong piso (10.6) na halaga ng smuggled na sigarilyo.
Ang operasyon ay ginawa ng BOC – Port of Zamboanga kasama ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service – Customs Police Division (ESS – CPD) at sa tulong ng Naval Forces Western Mindanao.
Narekober ang mga puslit na sigarilyo sa Brgy. Sinunuc, Zamboanga City matapos na makarating ito sa nabanggit na lungsod sakay ng barkong MB Princess AMINA.
Nasabat ang smuggled na sigarilyo matapos na magbigay ng impormasyon ang isang ‘concerned citizen’ sa naturang kargamento. Galing diumano sa Jolo, Sulu ang barko na naglulan ng may 300 cases ng mga sigarilyo.
Dahil dito, agad na kumilos ang BOC Anti-Smuggling Operation Team na binubuo ng mga nabanggit kaninang ahensiya at naging matagumpay naman ang kanilang isinagawang operasyon.
Agad na isinailalim ang kargamento sa beripikasyon at disposisyon ng BOC.
Isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inisyu laban sa nagparating ng smuggled na sigarilyo dahil sa kakulangan ng permit mula sa National Tobacco Administration. Nalabag din ang Amended Rules and Regulations
Governing the Exportation and Importation of Tobacco and Tobacco Products na naaayon sa Executive Order No. 245, pati na rin ang R.A 8424 o mas kilala bilang National Internal Revenue Code of the Philippines and Section 1401 ng R.A 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
