P10-T PONDO ILALAAN SA BUILD-BUILD-MORE

TUMATAGINTING na P10 trilyon ang magbibigay-daan para makabawi ang Pilipinas. Ito ang giit ni Albay Rep. Joey Salceda kasabay ng paghahain ng isang panukalang nagsusulong ng programang Build-Build-More (BBM) sa susunod na limang taon.

Ani Salceda, angkop na gastusan ng pamahalaan ang mga pangunahing imprastraktura na tinawag niyang Ambisyon 2040 sa hangaring makabangon ang bansa sa pagkakalugmok bunsod ng dalawang taong tigil-operasyon ng mga negosyo sa gitna ng peligrong dala ng pandemya.

“Whereas, achieving the vision of Ambisyon 2040 requires significant investment in public goods, primarily infrastructure,” ayon sa dating chairman ng House committee on ways and means.

Sa ilalim ng House Joint Resolution 6 na inihain ni Salceda sa Kamara, hinimok ng kongresista si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglaan ng P1.2 trilyong pondo – katumbas ng 5% ng gross domestic product (GDP) ng bansa – sa unang taon ng kanyang panunungkulan

Sa taong 2024, giit naman ni Salceda ang P1.381-trilyong budget (5.2% GDP), P1.571 trilyon (5.4% GDP) sa 2025, P1.782 trilyon (5.6% GDP) sa 2026, P2.018 trilyon (5.8% GDP) sa 2027 at P2.245 trilyon (6.0% GDP) sa kanyang huling taon ng termino bilang Pangulo.

Layon aniya ng kanyang isinusulong na panukalang tiyaking maisakatuparan ang lahat ng mga imprastrakturang kailangan ng isang bansa para makamit ang pag-unlad, hindi lamang sa mga aspeto ng industriya kundi sa agrikultura, transportasyon at teknolohiya.

“The (BBM) program shall aim to ensure adequate, affordable, and accessible food supply, through productivity- enhancing, efficiency-enhancing, and market-facilitating infrastructure within the agricultural value chain,” pahayag ni Salceda. (BERNARD TAGUINOD)

172

Related posts

Leave a Comment