BISTADOR ni RUDY SIM
BISTADO na naman ang muling nagbabalik na raket ng Bureau of Immigration, matapos ang Pastillas Scam ay natuklasan na mahigit isang libong Chinese nationals naman ang pinalusot para lang mabigyan ng working visa at maging legal ang kanilang paninirahan sa bansa.
Sa isang liham noong November 6 ng “Ligan & Uy” law firm kay BI Commissioner Joel Anthony Vayado este ay mali, Viado pala, nabatid na ikinagulat umano ng isang kompanya na “COMMSEC INC.” ang dami ng nakarehistradong pangalan ng foreign workers sa isinagawang inspeksyon ng DOLE noong October 10, mahigit 200 ang rehistradong nabigyan sa parehong kompanya.
Ito ay pinalagan ng kompanya at sa legal na pamamaraan ay idinulog nila ito sa kanilang lawyer upang isumbong na 8 o walong tao lamang ang legit na nasa kanilang talaan ng lehitimong foreign workers kung kaya’t ang 192 dito ay pawang isiningit lamang umano ng isang kalbong opisyal na laging “Home Alone” at runner nitong tauhan ng legal division na itatago natin sa pangalang “Patrick Lecheplan”, na noo’y tirador umano sa airport na inilusot sa kaso ng Pastillas Scam at itinapon sa main office.
Ngunit ayon sa ating source, mula sa records ng BI ay napag-alaman na hindi lamang 200 ang nakapangalan sa kompanya kundi nasa mahigit 1,200! Aruy, jusko… Akala ko ba malinis na ang legal division matapos alisin sa kanila noong 2023 ni dating SOJ Boying Remulla, balik na naman pala ang sindikato rito.
Ngayong bistado na ang kalokohang ito sa BI ay bakit hindi sibakin at kasuhan ni Ombudsman Boying Remulla ang bata nitong si Viado dahil sa kapabayaan kung paano nakalusot o pinalusot na mabigyan ng pekeng dokumento at visa ang Chinese nationals, na matapos ipa-deport ay muling pinabalik sa bansa para sa panibagong kotongan, garapalang iginisa sa sariling mantika ang mga dayuhan dahil sa bulok na sistema sa ahensya.
Sa totoo lang, nakaaawa rin ang mga Chinese na ito na dahil sa pagnanais nila na takasan ang mahigpit na batas sa kanilang bansa ay komportable silang namamuhay sa Pinas na kapit sa patalim at pinakikisamahan ang hindi na matitigil na korupsyon sa atin.
Kung idinawit ni dating Ako-Bikol Party-list representative Zaldy Co ang Bureau of Customs kaugnay sa alegasyon nito sa first family, ay mayroon din kaya itong nalalaman patungkol sa Tara sa BI kung kaya’t hindi pa rin matigil-tigil dito ang nakasusukang amoy ng korupsyon na bagama’t walang ninanakaw dito na pera ng taumbayan, ay nakasalalay naman ang dangal ng ating bansa na maaaring makasira sa national security.
Dahil sa nabistong katiwalian na ito sa BI, mayroon kayang masisibak o sadyang hugas-kamay muli ang gagawin ng mga sangkot dito at ang mangyayari ay ikakansela ang Visa ng mahigit isang libong Chinese na pinalusot at ito’y muling huhulihin at gagatasan ng mga tauhan ni Mang Kanor ng Intelligence Division, at pipigain ng detention unit at hanggang sa kanilang deportation ay muling kokotongan… Kung mayroong Eat all you can, sa BI naman ay may Kotong all they can.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
436
