NAMAHAGI ng P10,000 cash assistance si dating House Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa Balik sa Tamang Serbisyo (BTS) sa Kongreso sa mahigit 200 benepisyaryo sa buong bansa nitong Sabado (May 1), bilang bahagi ng kampanya na isulong ang pagpasa ng 10K Ayuda Bill kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.
Bunsod ng layunin na maabot ang mahihirap at ibang sektor na apektado ng pandemya, nagsagawa ng live virtual event si Cayetano at ang BTS movement na tinawag na “Sampung Libong Pag-asa” kung saan namigay ng cash assistance sa 200 beneficiaries mula sa Batangas, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, Pateros, Sta. Rosa City sa Laguna, Antipolo City sa Rizal, at Ormoc City sa Leyte.
“Mga tunay na tao ito na tunay ang problema, na bago magkaroon ng pandemya ay hirap na at ngayon ay hirap na hirap.
Ilan lang ang [nabigyan] today, at bagama’t maraming nai-inspire na gusto ring tumulong, kailangan pa rin talaga natin itong batas na ito para lahat mabigyan,” wika ni Cayetano sa idinaos na programa.
“Hopefully, itong gagawin natin today, in the spirit of bayanihan through private sponsors and donors, ma-encourage ang Congress pag-open ng May 17 na ‘yung 10K Ayuda Bill at Bayanihan 3 ay itulak naman at ipasa na,” dagdag pa ni Cayetano.
Sinamahan si Cayetano nina Taguig 2nd District Maria Laarni “Lani” Cayetano; Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu; Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice; Barangay Captain Ziff Ancheta of Tumana, Marikina City; Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado; Mandaluyong City Lone District Rep. Neptali Gonzales II; Cavite Reps. Francis Gerald Abaya, Luis Ferrer IV, Elpidio Barzaga, Jr., at Abraham Tolentino; Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez; Antipolo City 1st District Rep. Roberto Puno; Anakalusugan Rep. Michael Defensor; Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr.; at Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez.
“Sa hirap ng buhay ngayon, dapat lahat tayo ‘wag mawalan ng pag-asa [at] dapat maging inspirasyon sa ating mga kababayan,” saad naman ni Rep. Villafuerte, na tumayong co-host sa nasabing programa.
“Napakalaking tulong na po ng natanggap kong P10,000. Hindi na po ako mangungutang ng puhunan para makapagtinda,” ayon kay Merly Agot Nolan, isa sa mga beneficiary sa Sta. Rosa City, na dumalo sa programa.
May kabuuang 38 beneficiaries ang nakatanggap ng P10,000 cash assistance mula kay Cayetano at kanyang kapwa mambabatas simula pa noong Pebrero at Abril ngayong taon. (JESSE KABEL)
157
