HALAGANG P10,000 bawat pamilya ang ipinagkaloob ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso makaraang aprubahan ng lokal na pamahalaan ang tulong-pinansyal para sa 600 pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog sa Parola Compound sa Tondo, Manila.
Magugunitang limang magkakamag-anak ang namatay sa nasabing sunog, kabilang ang ama ng tahanan, na pawang natagpuang patay sa loob ng banyo, habang lima pang biktima ang dumanas ng 2nd degree burns sa nasabing insidenteng nangyari sa nasabing lugar dakong alas-6:00 ng umaga at umabot sa ika-apat na alarma.
Bukod sa pinansiyal na tulong sa mga nasunugan, ang mga naulila ng mga namatay na sina Jake Loyola, 37, at apat nitong mga anak na may edad 12, 10, 8 at 3, pawang residente ng Area F, Gate 20, Parola Compound, ay pagkakalooban din ng financial aid ni Moreno.
Pagkakalooban din ng tulong-pinansyal ang limang nasugatan sa insidente.
Kinakalinga sa kasalukuyan ng Manila Social Welfare Department sa P. Guevarra Elementary School ang mga pamilyang nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa modular tents. (RENE CRISOSTOMO)
