P11-M SUHOL SA 28 CHINESE?

TINATAYANG humigit 11 ­milyong piso ang kinita umano ng ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na responsable sa pagbawi sa “exclusion” ng 28 Chinese nationals na hinarang kamakailan sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa ating source, patago umano ang ginawang “Recall of Exclusion Order” upang payagan ang 28 Chinese na makapasok sa bansa matapos silang harangin sa airport ng immigration officers dahil sa kakulangan ng travel documents.

Isang maimpluwensyang Chinese handler umano na si alyas “Charlie” ang lumakad ng papeles ng mga ito sa BI main office kasabwat ang isang mataas na opisyal upang hindi pabalikin sa China ang mga excluded passenger kapalit ang mahigit P400,000 kada ulo.

Gaano kaya ito katotoo at sinong mga opisyal ng BI ang kumita?

Paging Justice Secretary Menardo Guevara Sir!

Paki-imbestigahan nga po ito dahil mukhang nagiging garapalan na ang ginagawang harassment sa mga Chinese national na bago pa man makarating sa bansa ay daang libo na ang kanilang ginagastos upang mabigyan ng visa at travel exemption.

Samantala, kaugnay sa ating ibinisto na raket ng isang alyas “GL” na isang immigration assistant na naka-talaga sa NAIA – Terminal 3 ng BI Border Control Intelligence Unit (BCIU) matapos itong makakuha ng mahigit P800,000 sa tatlong Chinese na sina Luo Zhiping, Yang Weirin at Zhou Qiang na hinarang noong June 9 sa Terminal 3 na tumagal sa pagkaka-hold sa airport ng mahigit isang buwan matapos paasahin ni GL na sila ay makapapasok sa bansa kung saan pinabalik na sila sa China noong July 13 at hindi naibalik ni GL ang perang nakulimbat nito sa kadahilanang sunog na ang pera matapos paghatian ng kanyang mga kasabwat sa BI.

Hanggang kasalukuyan, nananatili si alyas GL sa kanyang raket sa Terminal 3 at wala pang kaukulang aksyon si Commissioner Jaime Morente sa pangongotong nito sa mga dayuhan.

Ngunit, asahan natin ang magiging aksyon na gagawin nina Secretary Guevara at Deputy Commissioner Tobias Javier na itinalagang chairman ng Anti-Corruption ng ahensya.

oOo

Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, itext lamang ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

205

Related posts

Leave a Comment