NORTH COTABATO – Isang 58-anyos na lalaki ang naiulat na binawian ng buhay habang 47 residente ang isinugod sa ospital dahil sa nararanasang diarrhea sa Barangay Tulalian, sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte.
Dahil dito, idineklara ni Mayor Ernesto Evangelista ang diarrhea outbreak sa kanyang bayan batay sa inilabas na pahayag kahapon ng Municipal Information Office (MIO).
Ang 47 residente ay isinugod sa iba’t ibang pribado at pampublikong ospital dahil sa naramdamang pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.
Ayon sa ulat ng Municipal Health Office ng bayan, ang mga residenteng naapektuhan ay mula sa mga purok 1, 3, 4, 5, 7, 8, 12, 13 at 15A sa Barangay Tulalian.
Mabilis namang nagresponde ang Quick Reaction Team (QRT) ng bayan ay nagpadala agad ng dalawang mga doktor at nurses upang tiyakin na mabigyan ng health and sanitation services ang apektadong mga residente at tiyakin na ‘di na lumawak pa ang epekto ng diarrhea.
Ayon sa ulat ni Municipal Health officer Dr. June Li, nasa 171 residente ang na-diagnosed na may acute diarrhea secondary to amoebiasis.
Dahil dito, sinabi ni Charlemagne Fernandez, MHO administrator, nagsisiyasat na ang pamahalaang lokal para alamin kung ano ang sanhi ng diarrhea outbreak. (BONG PAULO)
171 