TATANGGAP ng hanggang P12,000 ang mga Electoral Board (EB) chairperson habang P11,000 naman ang mga miyembro na magsisilbi sa special congressional elections sa ikalawang distrito ng Antipolo City sa Marso 14.
Base ito sa Commission on Elections Resolution No. 11198.
Bukod sa honoraria, may hindi bababa sa 10 araw na service credit ang mga EB chair at miyembro na empleyado ng gobyerno. Mayroon ding P5,000 death benefit at P200,000 medical assistance ang mga itatalaga sa special polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kapareho ang honoraria at benepisyo ng mga nagsilbi noong May 2025 elections.
Sa naturang special elections, may kabuuang 348 clustered precincts para sa 252,793 rehistradong botante sa distrito.
Idineklara namang special non-working day sa nasabing distrito ang Marso 14 sa ilalim ng Proclamation No. 1173 na inilabas ng Malacañang Palace.
(JOCELYN DOMENDEN)
3
