(NI NOEL ABUEL)
MULING susubukang amyendahan ang Expanded Senior Citizen Act na naglalayong madagdagan ang suporta sa mga senior citizens na kulang sa suportang pinansyal.
Ayon kay Senador Sonny Angara, napapanahon na upang amyendahan ang nasabing batas sa kadahilanang nagbabago ang panahon at pangangailangan ng mga matatandang Filipino.
Nabatid na mula sa dating P6,000, nais itaas ng senador sa P12,000 ang social pension ng mga senior citizens na dumadanas ng kahirapan.
Samantala, nais din nitong mai-upgrade ang Salary Grade ng mga public school teachers mula Salary Grade 11 patungong Salary Grade 19.
Paliwanag ng senador, tugon na rin umano ito sa pangakong binitawan ni Pangulo Rodrigo Duterte lalo’t makailang ulit nang itinaas ang sahod ng mga sundalo at pulis ngunit napag-iiwanan pa rin ang mga teachers.
Ihahain din umano nito ang panukalang magkakaloob ng discounts sa libro, health care, school supplies, at iba pang bayarin sa eskuwelahan sa mahihirap na estudyante sa buong taon ng pag-aaral kabilang ang mga mag-aaral sa technical-vocational institutions.
400