Para sa lalo pang pinaigting na operasyon laban sa smuggling, nagsanib pwersa ang ibat-ibang tanggapan ng Bureau of Customs, National Bureau of Investigation at Philippine Coastguard na nagresulta sa pagkakasabat ng ibat-ibang mga kalakal sa lungsod ng Mandaluyong at Parañaque.
Armado ng tinatawag na Letter of Authority na pirmado ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, narekober ng pinagsanib na pwersa ng BOC-MICP, Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service at NBI at PCG ang may 12 milyong pisong ilegal na kalakal na kinabibilangan ng mga Chinese medicines, sigarilyo at iba pa.
Sa isang storage facility sa Mandaluyong, nadiskubre ng grupo ang Chinese brand na kung tawagin ay Linhua Qingwen Jiaonang bukod pa sa isang makeshift clinic sa lugar na pinaghihinalaang gamit sa paggamot ng mga pasyenteng may COVID-19 at bukod dito, ay nadiskubre rin ang dalawang intravenous sets sa nasabing pasilidad.
Sa isa pang storage facility naman sa Parañaque ay nadiskubre ang ibat-ibang mga Chinese cigarettes, facemasks, face shields, at medicines na kung saan ay kasama rin ang brand Linhua Qingwen Jiaonang na gamit sa paggamot ng COVID-19.
Dahil dito, agad na kinumpiska ng mga otoridad ang ibat-ibang kalakal at dinala sa Bureau of Customs Facility para isailalim sa inventory at imbestigasyon upang ihanda ang agarang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Intellectual Property Laws of the Philippines.
Ang pinakahuling pagkakasabat ng BOC – MICP ay resulta ng Bureau’s anti-smuggling efforts.
Ang MICP ay nananatili sa kanilang pangakong habulin ang mga nasa likod ng smugling bilang kanilang mandato sa ilalim ng patnubay ni Commissioner Guerrero. (Joel O. Amongo)
