LAGUNA – Aabot sa P13.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa isang driver sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa San Pedro City sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, nakipagkita ang suspek na si Alyas Haron, 50, sa pulis na nagpanggap na bibili ng ilegal na droga, sa Block 1, Harmony Village, Jupiter Street, San Vicente, San Pedro City.
Pagdating ng suspek na lulan ng itim na SUV, bumaba ito at saka isinagawa ang transaksyon na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nakuha mula sa suspek ang 20 piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakapaloob sa dalawang pack ng tsaa.
Bukod dito, natagpuan din sa loob ng sasakyan ng biktima ang aabot sa dalawang kilo ng umano’y shabu na tinatayang P13.6 milyon ang halaga. (CATHERINE CUETO)
