CAVITE – Umabot sa mahigit P136,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Gen. Trias City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga arestado na sina Misuary Borirao, 22, cellphone technician, ng Brgy. Emmanuel 1, Damariñas City, at Cairoding Saripada, 23, tricycle driver, ng Brgy. Datu Esmael, Dasmarinas City.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Robert Lacasa ng Gen. Trias City Police, dakong alas-4:30 noong Lunes ng hapon nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A at Gen. Trias Police sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakuha kay Borirao ang tinatayang 15 gramo ng shabu na may street value na P102,000 habang 5 gramo naman ang nasamsam kay Saripada na may street value na P34,000 o kabuuang P136,000. (SIGFRED ADSUARA)
263 