P14.7M DROGA SILAT SA NAIA

TIMBOG sa magkakahiwalay na operasyon ng mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong bagaheng pawang naglalaman ng droga.

Sa isang kalatas ng kawanihan, unang nasilat ng pinagsanib na pwersa ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 300 gramo ng shabu na itinago pa sa mga “wall stickers” na bahagi ng bagaheng nakahimpil sa DHL warehouse kung saan mahigpit na sinusuri ang mga “outbound parcels.”

Batay sa dokumentong ka­lakip ng naturang kontrabando, idineklarang dekorasyon sa bahay ang bagaheng nakatakda sanang ilipad patungo sa ibang bansa.

Hagip naman sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa lungsod ng Pasay ang sanda­makmak na Ecstasy tablets na ikinubli sa mga damit pambata, kasuotan para sa mga babae at kobre-kamang padala naman mula sa ibang bansa.

Pagtitiyak naman ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, malabong makalusot sa kanilang distrito ang mga tangkang pagpupuslit ng mga kontrabando, lalo pa’t higit na mataas na ang antas ng kakayahan ng kanilang tanggapan sa larangan ng pagtukoy ng mga kargamentong bulilyaso.

Sa imbentaryo ng PDEA, hindi bababa sa P14.7 milyon ang halaga ng mga nasamsam na droga – P2.04 milyon para sa shabu at P12.7-milyong kabuuang halaga sa dalawang bagaheng kapwa naglalaman ng Ecstasy tablets.

Patuloy naman ang isinasa­gawang imbestigasyon sa layun­ing matukoy at madakip ang mga sasampahan ng kasong paglabag Republic Act 9165, (Comprehensive Drug Act) at RA 10863 na mas kilala bilang Customs Modernization And Tariff Act. (JOEL AMONGO)

178

Related posts

Leave a Comment