P142.8-M SHABU NASAMSAM NG PDEA SA QUEZON CITY

NASAMSAM ng anti-narcotics operatives na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang tinatayang P142.8 milyong halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu sa matagumpay na buy-bust operation nitong Miyerkoles ng madaling araw, Marso 11, 2026, sa Quezon City.

Ayon kay PDEA Director General, Undersecretary Isagani Nerez, nakumpiska ng kanyang mga tauhan ang humigit-kumulang 21 kilo ng ilegal na droga na nakalagay sa mga plastic container.

Indikasyon ito ng malakihang operasyon ng drug trafficking syndicate na maaaring nag-supply ng bulto-bulto ng droga sa Metro Manila at karatig na rehiyon.

Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA SES, PDEA RO-NCR Quezon City District Office, at PNP-DEG Special Operations Unit NCR sa Biak Na Bato, Sto. Domingo, Quezon City.

Dalawang suspek ang naaresto ng mga operatiba na kinilalang sina alyas “Eli”, 28, mula sa Baliwag, Bulacan; at “Rolando”, 42, mula sa Caloocan City.

Nahuli silang nagbebenta ng 500 gramo ng umano’y shabu sa isang undercover agent, habang karagdagang 20.5 kilo ang natagpuan sa kanilang sasakyan at gamit.

Nakumpiska rin sa pag-iingat ng mga suspek ang ginamit na buy-bust money, isang Toyota Hi-ace Grandia, mga ID, cellphone, at digital weighing scale.

Samantala, pinuri ni DG Nerez ang operasyon at binigyang-diin ang patuloy na intelligence-driven operations laban sa illegal drug trade.

Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

(JESSE RUIZ)

71

Related posts

Leave a Comment