P147.29-M HALAGA NG HINIHINALANG KONTRABANDO, NASABAT NG PHILIPPINE NAVY

TINATAYANG aabot sa P147.29 milyon ang kabuuang halaga ng hinihinalang smuggled diesel fuel, sigarilyo at mga sasakyang-pandagat na nasabat ng Philippine Navy sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Western Mindanao.

Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Navy ni Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., commander ng Naval Command Western Mindanao (NCWM), isang unmarked motorboat ang naharang noong Agosto 22 sa karagatang sakop ng Barangay Labuan, Zamboanga City.

Natagpuan umano sa sasakyang-pandagat ang undocumented diesel fuel na tinatayang nagkakahalaga, kasama ang bangka, ng P52.27 milyon.

Dalawang araw matapos nito, noong Agosto 24, hinarang naman ng NCWM ang M/B Jiboy sa karagatan ng Pangasinan Island, Sulu.

Nakumpiska rito ang 611 master cases at 37 reams ng foreign-brand cigarettes, kasama ang sasakyang-pandagat, na may tinatayang kabuuang halaga na P95.01 milyon.

Dahil dito, umabot sa P147.29 milyon ang pinagsamang halaga ng mga nasabat na sasakyang-pandagat at hinihinalang kontrabando mula sa dalawang operasyon.

Isinailalim ang mga nakumpiskang produkto at sasakyang-pandagat sa kustodiya ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga para sa kaukulang imbestigasyon at legal na disposisyon.

Una rito, pinapurihan ng Bureau of Customs ang Naval Command-Western Mindanao sa pagkakasamsam ng hinihinalang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P193 milyon.

Mismong si Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang nagpahayag ng papuri sa mga tauhan ng NCWM dahil sa kanilang “sustained vigilance and operational excellence” na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasabing mga puslit na sigarilyo.

Ayon kay Nepomuceno, malaking dagok ito sa mga sangkot sa illicit trade activities sa bahagi ng Mindanao.

“Ang pagkakasamsam ng tinatayang ₱193 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo ay patunay ng epektibong pagpapatupad ng batas at matibay na koordinasyon ng ating mga ahensya. Patuloy tayong magtutulungan upang maprotektahan ang ating borders, lehitimong negosyo, at kita ng pamahalaan,” ani Nepomuceno.

“Malaking bagay ang kontribusyon ng Naval Command–Western Mindanao sa ating kampanya laban sa smuggling. Nagpapasalamat tayo sa kanilang agarang aksyon upang mapigilan ang pagpasok ng mga iligal na produkto na sumisira sa lehitimong kalakalan at seguridad ng ating mga komunidad,” dagdag ng Customs Commissioner.

(JESSE RUIZ)

97

Related posts

Leave a Comment